Mainam bang gamitin ang asin, baking soda, virgin coconut oil sa ngipin?

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 05:36 PM

Idinetalye ng isang dentista kung ano-ano ang mga tamang paraan ng pangangalaga sa ngipin at kung mainam bang gamitin ang asin at baking soda sa pagsesepilyo.

Sa panayam ng programang "Ma-Beauty Po Naman" ni Cory Quirino sa DZMM, sinabi ni Dr. Rosanna Jover, eksperto sa periodontics at oral implantology, na pinakamahalagang paraan ng pangangalaga sa ngipin ang pagsesepilyo ng tatlong beses isang araw o tuwing matapos kumain.

Hindi rin aniya nangangahulugang kailangang mamahalin ang toothpaste na gamitin para mapanatili ang magandang ngipin.

"Kung hindi ka marunong magsepilyo, kahit mahal ho ang toothpaste mo, o kahit asin [ang gamitin], it defeats the purpose," ani Jover.

Ayon pa kay Jover, puwede rin namang gumamit ng asin sa pagsesepilyo sakaling maubusan bigla ng toothpaste, pero huwag sana rock salt o iyong buo-buong asin ang gagamitin.

"Huwag naman 'yong magaspang na asin, kasi magagasgas naman ang magandang enamel [ng ngipin] natin."

Pero nagbabala ang dentista laban sa paggamit ng baking soda sa pagsesepilyo.

Aniya, may gumagamit ng baking soda sa pag-aakalang mas mapabibilis nito ang pagputi ng ngipin.

"May isa akong pasyente, ang tigas ng ulo, aba pinuro ang baking soda, [nag]sugat [ang gums]. Kasi gusto niyang pumuti [ang ngipin], e talagang masyadong matapang ang baking soda," kuwento ni Jover.

Isa pang inirerekomenda ni Jover ang pagmumumog ng virgin coconut oil na nakakatulong aniya sa dental hygiene.

"I prescribe that to my patients because of the lauric acid--anti-microbial, may healing properties. Especially po 'yong mga pasyente kong may gum diseases," paliwanag ni Jover. "I want that oil inside, sa loob ng crevices ng gums. So babad mo lang few minutes... ang ganda ng effect sa gums."

Paalala naman ng dentista sa pagsesepilyo, tiyaking gumamit ng toothbrush na may malambot o soft bristles.

Sabi ni Jover, taas-baba ang dapat na galaw ng sepilyo sa mga ngipin at hindi pahalang o sideways.

Dapat ding gumamit ng dental floss para matiyak na maalis ang mga natitirang maliliit na piraso ng pagkaing sumingit sa pagitan ng mga ngipin.

"Ang dami pa palang nagtatago... kung hindi ka nag-floss, in a few minutes acid 'yon, sisirain ang ngipin mo no'n."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.