ALAMIN: Mga sanhi, sintomas ng chronic kidney disease

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 02:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagbabala ang isang doktor laban sa chronic kidney disease o iyong kondisyon na unti-unting humihina ang kidney o bato, na maaari umanong humantong sa mga komplikasyon at maging kamatayan.

Sa programang “Salamat Dok,” ipinaliwanag ng integrative medicine specialist na si Sonny Viloria na ilan sa mga nangungunang sanhi ng chronic kidney disease ay diyabetes at altapresyon. 

“Sa diabetes, nagkakaroon siya ng hyalinization, ibig sabihin, nagde-deposit ng excess sugar doon sa tubo ng daanan ng ihi so hindi siya makapag-filter,” ani Viloria.

Ang matagalang pagkakaroon ng altapresyon naman, ayon sa doktor, ay nagdudulot ng paghina ng bato.

Ang bato ay lamanloob na sumasala sa dugo at nag-aalis ng mga “dapat inilalabas na katawan” na tinatawag na “metabolic waste,” ani Viloria.

“Kapag nasira ang kidney mo, hindi siya nakakapagsala so nare-retain siya sa dugo,” aniya.

Ilan sa mga sintomas ng chronic kidney disease:

  • Pangangati ng buong katawan
  • Pamumulikat dahil sa kakulangan ng mga mineral sa katawan
  • Pagsusuka
  • Pamamaga ng paa at bukong-bukong o angkle
  • Sobrang pag-ihi o pakonti-konting pag-ihi
  • Hirap sa paghinga
  • Hirap sa pagtulog

Kapag tinamaan ng chronic kidney disease, katapat daw nito ang pagsasailalim sa dialysis o pagpapalit ng bato.

Kabilang naman daw sa mga komplikasyong maaaring idulot ng chronic kidney disease ay atake sa puso o stroke.

“Even during nagda-dialysis sila, nangyayari iyon (heart attack o stroke),” ani Viloria.

Maaari rin umanong makamatay ang mismong chronic kidney disease lalo kapag lumala at walang kakayahan ang isang pasyente na mag-dialysis.

Para mapangalagaan ang bato, mainam ang pag-iwas sa mga pagkaing maaalat at puno ng sodium gaya ng mga de-lata at instant noodles.

Maging ang mga malalamig na inumin at softdrinks ay maaaring magdulot ng mga sakit sa bato, ayon kay Viloria.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.