Tribal dance contest, parade of lights tampok sa Dinagyang Festival sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 06:51 PM | Updated as of Jan 25 2020 07:56 PM

Siyam na barangay ang lumahok sa "Dagyang sa Calle Real" street dancing na parte ng Iloilo Dinagyang 2020. Jennifer Garcia, ABS-CBN News

ILOILO CITY — Samu't saring mga pagtatanghal ang naging tampok sa pag-arangkada ng Dinagyang Festival sa lungsod na ito nitong Sabado. 

Malakas na tunog ng tambol at nakakaindak na sayaw ng mga tribe warrior ang inabangan sa "Dagyang Sa Calle Real" street dancing contest. 

Siyam na grupo o tinatawag na "tribo" ang nagpakitang-gilas sa tanyag na Calle Real. Unang naging school-based ang kompetisyon pero ngayong taon, mga barangay na ang naglalaban-laban. 

Dinumog ang paligsahan ng mga turista, gaya ni Ester Calapati, isang balikbayan mula Amerika. 

"Magmula pagpunta namin dito I'm so tired, pero okay naman," ani Calapati. 

Kinilala rin sa selebrasyon ang mga Aeta at Panay Bukidnon. 

Nasa 13 naglalakihang float na may magkakaibang tema ang lumahok sa Dinagyang Float Parade of Lights. Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Dinumog din ang Dinagyang Float Parade of Lights. 

Dito, 13 naglalakihang float na may magkakaibang tema ang lumahok sa parada. 

Guest performer ang mga taga-San Jose Del Monte, Bulacan, na Guinness World Record holder na may pinakamaraming lighted lanterns. 

-- Ulat ni Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.