TINGNAN: Cafe sa Pampanga 'sub-zero,' niyeyelo sa lamig

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa isang cafe restaurant sa Angeles City, Pampanga, hindi na kinakailangang mag-book pa ng eroplano papunta sa ibang bansa para maranasan ang niyebe o snow.

Sa halagang P200, mararanasan na ang tila "sub-zero" na temperatura na aabot ng -15 degrees Celsius sa loob ng "Freez-kimo".

Sa loob nito, mayroong man-made snow at maaaring gumamit ng makakapal na coat para maibsan ang lamig.

Konsepto ito ng Iranian na si Mohammad Reza Derakhshani at kaniyang Pinay na misis na si Antoneth Awayan. Layon nilang dalhin ang winter sa Pilipinas sa pagpapatayo nito.

"Me and my wife we decided to bring winter to Philippines because we know that there is no chance for Filipino people to experience winter coldness easily, other than fly to abroad,” paliwanag ni Derakhshani.

Bukod sa niyebe, makikita rin ang iba't ibang ice sculptures. Ayon kay Awayan, kinakailangan nilang buksan ang kuryente buong araw para mapanatili ang hugis at ayos ng mga ito.

"We have a lot of ice sculptures and images and tables and chairs are ice, so electricity should be 24 hours... Everyday our artists will come make some snow, make some images and do some fixing," aniya.

Ilan sa tampok na nao-order dito ang libreng coffee o hot chocolate na may chocolate bars.

Kung nais naman ng mas extreme na kakainin, maaaring subukang kumain ng milk chocolate na may ice cream, maging ang pag-inom sa baso na gawa sa yelo.

Bukod sa P200 entrance fee para sa mga adult, P120 ang entrance fee sa mga batang 11 pababa, habang libre naman ang entrance sa mga kabataang 2 pababa.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.