TINGNAN: Mga itlog ng pawikan napisa sa baybayin ng resort sa Donsol

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 03:19 PM

Espesyal para sa mag-asawang Albert at Sandra Ruis mula Espanya ang naging bakasyon nila sa Donsol, Sorsogon kamakailan.
    
Hindi man sila nakakita ng butanding dahil sa masamang panahon, natunghayan naman nila ang pagkapisa ng mga itlog ng Olive Ridley Sea Turtle. Na-video-han pa nila habang papunta ang mga hatchlings sa dagat. 

"We got a lot of time to enjoy and see them all into the water, struggling, some of them. They all made it so we are very happy," natutuwang kuwento ni Sandra. 
    
Ayon sa pamunuan ng resort, nangitlog ang mga pawikan sa baybayin nila sa Donsol noong Nobyembre 30.

Inilipat ang 123 mga itlog sa mas mataas na lugar at nilagyan pa ng bakod.
    
Nitong Miyerkoles ng umaga, napisa na ang 16 sa mga itlog pero nasira ang iba dahil inatake ng mga langgam.

Ayon sa World Wide Fund for Nature (WWF), breeding ground ang lugar kaya binabalik-balikan ito ng mga pawikan.
    
"By nature naman they are philopatric so kung saan sila pinanganak noon, dito sila babalik so ganyan 'yung one of the bilological characteristic of marine turtle," ani Ma. Andrea Jane Pimentel, marine research specialist ng WWF.

Kaya paalala niya, dapat ay maging maalaga ang Donsol at iwasan ang pagtatapon ng basura sa karagatan. 

Alam umano ng mga taga-Donsol ang kahalagahan ng mga pawikan kaya nire-report nila agad kung may mga nangingitlog sa baybayin. 

"It's good thing to learn that for hotels here, it's not only a matter of tourism but also [they protect] nature, very nice," ani Albert.

Hinihintay ngayon ng mga taga-resort na mapisa ang iba pang natitirang mga itlog.
    
—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.