Lolo na 'mahilig mamaalam' sinorpresa ng asawa, mga apo

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 12:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dala ang mga paninda, naglalako ang 79 anyos na si Romy Gaa ng kaniyang mga ibinebentang apron sa kahabaan ng Zabarte, Caloocan.

Bukod sa pangangailangan sa bahay, iniipon rin ni Gaa ang kaniyang kita para masiguradong may maibibigay sa asawa niyang si Cora. 

"[Iniisip ko] baka iyun na ang huling regalo ko, o huling anibersaryo namin, ganoon," aniya. 

Ayon kay Gaa, paraan niya ito para kahit papaano ay may maitulong sa asawa bago tuluyang "mamaalam," na lagi niyang pinararamdam dito at sa kanilang mga apo.

"Pag ako'y nagkasakit at naratay na, pag ako'y mahina ayun, wala na akong magagawa" ani Gaa.

SORPRESA

Para iparamdam kay Gaa na hindi niya dapat pinapangunahan ang panahon, sinorpresa siya ng asawang si Cora sa isang parke sa Antipolo kung saan sila madalas nagde-date noong nagliligawan pa. Kasama sa sorpresa ang kanilang mga apo. 

Nagtipon-tipon sila para sa isang espesyal na salo-salo.

Nang tila "namamaalam" muli si Gaa, nagulat siya nang tumayo ang isa sa kaniyang apo na si Filsaint.

"Huwag mong sasabihing mamamatay ka na. Mahal na mahal ka namin," sabi ni Filsaint sa lolo.

Sa huli, naging positibo ang pananaw ni Gaa at nangakong pangangalagaan ang sarili.

Bilang tulong, pinagkalooban siya ng isang foundation ng P51,000 halaga ng tela na puwede nilang gawing apron. 

Nangako din ang kaniyang mga apo na tutulong sa kanilang lolo sa pagbebenta.


--Ulat ni Raymond Sakiwat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.