PatrolPH

'Impeksiyon sa ari maaaring makapinsala sa puso, daluyan ng dugo'

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 03:59 PM | Updated as of Jan 23 2019 04:18 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Maaaring magdulot ng pinsala sa puso at mga daluyan ng dugo ang sakit na sipilis (syphilis) kapag ito ay napabayaan, ayon sa isang doktor.

Sa programang “Good Vibes” ng DZMM, idinetalye ng dermatologist-venereologist na si Dr. Gilbert Yang ang tatlong stages o yugto ng sexually-transmitted infection (STI) na sipilis.

Watch more News on iWantTFC

Ang sipilis ay isang uri ng STI o sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Nagsisimula ito bilang impeksiyon sa genitalia o bahagi ng ari hanggang sa lumaganap sa ibang bahagi ng katawan.

Inilarawan ni Yang ang una o “primary” yugto ng sipilis bilang “sugat na walang aray na makikita sa ari” dahil sa pamumula o pagkakaroon ng mga pantal sa bahagi ng ari pero walang nararamdamang sakit.

“Minsan napapansin ng pasyente, minsan partner nakakapansin, kadalasan hindi napapansin,” ani Yang.

Kapag hindi raw ito agad nagamot, maaaring kumalat sa loob ng ilang linggo ang mga pantal sa iba-ibang bahagi ng katawan, na hudyat ng "secondary stage" ng sipilis.

“May mga rashes sa katawan, hindi makati – sa palad, talampakan, sa katawan – akala nila allergy lang ngunit hindi makati,” ani Yang.

Kapag napabayaan ang secondary syphilis, puwedeng umakyat ang impeksiyon sa utak at magdulot ng pinsala sa cardiovascular system o sa puso at mga daluyan ng dugo, ayon kay Yang.

“’Pag nawala ang secondary syphilis at kumalat sa katawan, ang tertiary syphilis, aakyat sa utak, it can cause cardiovascular damage,” ani Yang.

Pero nilinaw naman ni Yang na hindi na usong magkaroon ng tertiary syphilis dahil mayroon nang mga antibiotic panlaban sa mga unang yugto ng sipilis.

Maaari raw lumabas ang mga sintomas ng sipilis sa loob ng siyam hanggang 90 araw matapos makipagtalik sa taong nakuhanan ng STI, paliwanag ni Yang.

Puwede umanong malipat ang mga STI sa isang tao sa pamamagitan ng oral, vaginal at anal sex.

May anim na likido sa katawan na maaaring mapagkuhanan ng mga STI, kabilang ang blood o dugo, semen, pre-ejaculatory fluid (pre-cum), vaginal fluid, anal fluid at breast milk.

Ipinapayo ni Yang na magpakonsulta sa doktor kapag nakakita ng mga sintomas ng sipilis at iba pang STI.

Dahil may mga pasyenteng nahihiyang magpatingin kung may STI, nilinaw ni Yang na pribado ang mga konsultasyon.

“We respect the patient. We always tell that patient, ‘It’s private, it’s confidential.' Wala pong makakaalam nito kundi ang patient lang,’” ani Yang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.