PatrolPH

ALAMIN: Paano paghandaan ang adolescence ng anak?

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 05:36 PM

Watch more News on iWantTFC

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.


Isa sa pinakakritikal na yugto sa buhay ng isang tao ay ang kaniyang pagbibinata o pagdadalaga - na mas kilala sa tawag na adolescence stage. 

Nasa 20 porsiyento umano ng populasyon ng bansa ay mga adolescent. 

Paano nga ba dapat paghandaan ng magulang ang yugtong ito sa buhay ng kaniyang anak kung saan inaasahang magkakaroon ng mga pagbabago sa kaniyang katawan? 

Ayon kay Dr. Miel Filomeno Nora ng Save The Children Foundation, dapat ang magulang ang unang nagtuturo sa kaniyang anak tungkol sa mga pagbabagong maaaring maranasan nito sa kaniyang katawan tulad na lamang ng pagkakaroon ng regla sa babae at wet dreams sa lalaki.

"Doon pa lamang sa napkin... You could talk about kung paano paano i-handle ng menstruation, paano magpalit ng pads, ilang beses magpapalit ng pads, at paano mo aalagaan ang iyong sarili," ani Nora sa "Good Vibes" ng DZMM. 

Mayroon daw kasing mga pagkakataon na ipinapairal ang mga pamahiin tungkol sa pagreregla tulad ng pagpapahid umano ng napkin sa mukha sa unang pagreregla, o pagtalon sa ilang baitang ng hagdan. 

Importante ring matiyak ng mga magulang na alam ng kanilang mga anak na normal tubuan ng mga buhok sa kili-kili o ari, na pinagdadaan ng mga pumapasok sa adolescent stage. 

Dapat ding malaman ng isang lalaki ang tungkkol sa pagkakaroon ng wet dreams - kung saan naglalabas ng seminal fluid ang lalaki mula sa kaniyang ari kapag natutulog. 

Nagkakaroon din umano ng pamumukol sa suso ang isang lalaki sa pagsailalim nito sa puberty o adolescence. 

Watch more News on iWantTFC

SEX EDUCATION KAILAN DAPAT UMPISAHAN? 

Hindi ipinapayo ni Nora na "pagtakpan" o gumamit ng ibang pangalan bilang pantawag sa maselang bahagi ng katawan ng isang bata tuwing napapag-usapan ito. 

"Gamitin ang tamang pangalan ng parte ng katawan... Importante malaman ng bata kung alin ang parte ng katawan niya ang maselan," ani Nora. 

May ilan daw kasing pagkakataon na may nabubuntis bunga ng umano'y abuso at walang kamuwang-muwang sa mga nangyayari tuwing nabubuo ang isang bata sa loob ng katawan. 

Mahalaga rin daw na pag-usapan ng magulang at anak ang paksa ukol sa pagtatalik pero nilinaw ni Nora na dapat pinag-uusapan ito pag higit 10 anyos na ang anak. 

"Kinakailangang bukas na pag-uusapan ng magulang sa mga bata dahil may limitasyon ang kaalaman ng bata. Inaanyayahan natin ang mga bata na maging unang teachers sa sex education," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.