Traffic enforcer hinangaan matapos isauli ang wallet ng isang pedestrian

Gracie Rutao

Posted at Jan 21 2021 05:08 AM

Watch more in iWantTFC

Sa gitna ng mga kontrobersya ng ilang kawani ng gobyerno sa bansa ngayon, isang 42-anyos na traffic enforcer ang nagpatunay na marami ang tapat pa sa serbisyong publiko.

Hinanggaan ng lokal na pamahalaan ng Mabalacat, Pampanga ang traffic enforcer na si Richard Ballesteros matapos isauli niya ang pitaka ng isang pedestrian matapos malaglag ito sa daan.

Puno ng ID at credit cards ang pitaka, na may laman ding P7,000 cash.

Maraming netizens ang nagpaabot ng paghanga sa traffic enforcer na nasubok ang katapatan sa kabila ng kahirapan ng buhay na dala ng pandemya.

“Sana pu maging uliran ya pu y Mr Ballesteros king keyang gewa,” ani Mabalacat Mayor Cris Garbo.

(Sana po maging halimbawa po si Mr. Ballesteros sa kaniyang ginawa.)

Ayon kay Ballesteros, sa 3 taon niyang pagkakadestino sa traffic enforcement group, makailang ulit na rin siyang nakapagsauli ng mga mamahalin at mahahalagang gamit na naiiwan o nalalaglag ng mga may-ari. 

Para sa kanya, ito ay pagtupad lamang ng kanyang tungkulin gaano man kahirap ang buhay ngayon.

“Kasi po mahal ko po ang trabaho ko atsaka sa pamilya ko po alay ko," aniya.

"Basta sa Panginoon, tawag lang, atsaka konting kapit lang po, makakaraos din tayo sa pandemic na ito.”

Sa flagraising ceremony sa Mabalacat City Hall nitong Lunes, pinarangalan si Ballesteros at binigyan ng award of recognition bilang isang honest employee. Nakatanggap din siya ng cash reward mula sa alkalde.

Kasabay nito, itinaguyod din si Ballesteros bilang isang casual employee mula sa pagiging job order status sa Mabalacat City Hall.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC