Knowledge Channel may tulong sa mga batang hirap sa distance learning

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 09:08 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Habang binubuno ng maraming estudyante ang distance learning ngayong may pandemya, patuloy ding nagiging sagabal ang kakulangan sa gadget at internet connection.

Matiyagang tinuturuan ni Lola Arceli ang kaniyang mga apo sa pagsagot ng modules, kabilang na ang grade 1 na si Johemart. Pero wala silang pambili ng gadget para sana sa distance learning.

"Mas gusto ko sa school kasi hindi ko natututukan ang pag-aaral nila," ani Arceli. 

Naghihiraman naman sa iisang cellphone ang apat na anak ni Leilani.

Para makahabol sa aralin, tutok sila sa pagsagot sa modules.

"Importante po dahil mahirap ang walang pinag-aralan, kaya inaano naming na makatapos sila," sabi ni Leilani.

Sina Johemart at mga anak ni Leilani ay ilan sa mga unang tinulungan ng "Basa Bilang" project kung saan sila natututo sa panonood ng Knowledge Channel.

Inilunsad ito ng Knowledge Channel Foundation noong 2018 matapos mapabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamahihinang mag-aaral pagdating sa reading, math, at science. 

Ngayong 2021, inilunsad naman ng Knowledge Channel Foundation ang proyektong "Big Blue Hearts" na aagapay sa mga bata na hirap naman sa distance learning.

Sa pagbisita ng Knowledge Channel sa Sta. Rosa, Laguna, 
mahigit 100 wi-fi modems agad ang ibinigay sa mahigit 100 estudyanteng grade 1 mula sa 3 eskuwelahan.

Hangarin ng Knowledge Channel na mas marami pang bata sa buong bansa ang makapag-aral.

–Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.