TIPS: Paano makakaakit ng suwerte sa bahay sa Chinese New Year?

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 03:21 PM | Updated as of Jan 21 2020 03:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbigay ng tips ang isang Feng Shui expert para makaakit ng suwerte sa bahay sa pagsalubong sa paparating na Chinese New Year.

Payo ni Master Hanz Cua, dapat maghanda ng money box na naglalaman ng maliliit na sculpture

"Puwede mong ito lagyan ng bigas, ng mga ipapalamuti sa loob gaya ng [figurine ng] money frog, daga, at wealth Buddha," aniya sa programang "Umagang Kay Ganda" ngayong Martes. 

Dapat ding pinupuno ang pinaglalagyan ng liquefied petroleum gas (LPG), asin, at asukal. 

Maghanda rin aniya ng barya na isasaboy sa bahay sa pagsalubong ng Chinese New Year. Maganda rin kung maglalagay ng barya sa bulsa at hahawak-hawakan ito para makaakit pa ng suwerte. 

Dapat ding maghanda ng wishing paper, at sunugin pagdating ng alas-12 ng hatinggabi. 

"Dapat po detalyado ang laman nito," aniya. 

Payo pa ni Cua, maglagay ng maiingay na lucky charm para labanan ang malas. Dapat ding buksan ang lahat ng ilaw sa bahay. 

May mga pagkain din na dapat ihanda gaya ng prutas, na nangangahulugang 12 buwang masagana. 

Dapat ding maghanda aniya ng matatamis na pagkain, at ulam gaya ng karneng baboy at isda. 

Watch more in iWant or TFC.tv

MASUWERTENG DIREKSIYON 

May mga iba pang maaaring gawin sa bahay para makaakit ng suwerte, ayon kay Cua. 

Gumamit ng compass para malaman ang mga direksiyon sa bahay, ayon kay Cua. 

"Gamitin sa cellphone. Itayo ito sa gitna [ng katawan] sa belly level," ani Cua. 

Ayon kay Cua, maituturing malas ngayong taon ang north direction. Maglagay aniya ng kulay pula sa nasabing bahagi ng bahay para kontrahin ang malas. 

"[Nangangahulugan] ito ng anger. At para malabanan nito lagyan ng red, which is a fire element," ani Cua. 

Malas din kung maituturing ayon kay Cua ang gitna ng bahay. 

"Ang gitna ng bahay, diyan nakaupo ang robbery, cheating and betrayal," paliwanag niya. 

"Lagyan ito ng blue na mat para ma-cure ang theft at robbery," ani Cua. 

Malas din ang south o timog na bahagi ng bahay, ayon kay Cua. Payo din ni Cua na maglagay ng baso ng asin sa nasabing direksiyon. 

"Ang south sector andiyan po ang sector ng illness. Itong illness sector na to is [considered] earth element puwede tayo maglagay ng metal element," ani Cua.

Pero ang pinakamalas ayon kay Cua ang east sector, kung saan aniya namamalagi ang 5 yellow misfortune star. 

Payo ni Cua, maglagay ng bakal na bagay sa silangang bahagi ng bahay. 

Maituturing naman na suwerteng sector ang west sector, ayon kay Cua. Dito raw kasi namamalagi ang 9 Future Prosperity star. 

Sumunod naman aniya ang northwest sector kung nasaan ang "victory star." 

Dapat naman daw ilagay ang altar sa bahay sa southwest sector, na isa ring suwerteng direksiyon ngayong taon.

Maganda ring direksiyon ang southwest para sa mga naghahanap ng pag-ibig, ayon kay Cua. 

Pero sa kabila nito, nilinaw ni Cua na patnubay lamang ang mga nabanggit na payo. 

"Nasa iyong kamay pa rin nakasalalay ang iyong kapalaran," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.