'UTI' mas madalas sa babae, 'malala' kapag sa lalaki: doktor

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 04:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagaman mas madalas makaranas ng urinary tract infection (UTI) o impeksiyon sa daanan ng ihi ang mga babae, mas malala naman ito kapag naranasan ng lalaki at maaari raw sintomas ng iba pang kondisyon, ayon sa isang nephrologist.

Ayon kay Dr. Susan Jorge, may kinalaman sa anatomiya o pisikal na estruktura kung bakit mas mataas ang tsansa ng babae na magka-UTI kumpara sa lalaki.

"Kasi itong position ng daanan, labasan ng ihi ay malapit din sa ating tinatawag nating anal area. So kung di masyado maganda 'yong hygiene, sila itong mga pasyente nating nagkakaroon ng madalas na infection," sabi ni Jorge sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Kapag lalaki naman daw ang nakaranas ng UTI, ani Jorge, mas malala ito kompara sa babae at posible raw na sintomas ng ibang sakit.

"Sometimes they get UTI, medyo mas malala compared sa babae dahil may iba silang problems — the prostrate and other structural areas that will actually harbor microorganisms," ani Jorge.

"For example, may bato sa bato, may bato sa area or mayroon silang tinatawag na tumor around the area that can actually encourage the growth of more microorganisms kasi 'di malabas lahat ng ihi," anang doktora.

Ipinaliwanag ni Jorge na ang UTI ay nakukuha sa mga mikrobyo sa bahagi ng ari ng isang tao.

"Wala siyang ibang pinaggalingan. Hindi sa dugo kundi doon sa mikrobyo na nandoon sa area na 'yan," aniya.

Ilan umano sa mga sintomas ng UTI ay ang madalas na pag-ihi, nahihirapan o nasasaktan kapag umiihi, at pagbigat ng puson.

Kapag may kasama nang lagnat, panginginig at pagsusuka, maaari raw sintomas ang mga ito ng upper urinary tract infection kung saan nakaabot na raw ang impeksiyon sa kidney o bato ng isang tao.

Ipinapayo ng doktora ang pagiging "hygienic" o malinis sa bahagi ng ari upang makaiwas sa UTI.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.