Hair at makeup artist nagbibigay ng libreng gupit sa Taal evacuees

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 02:47 PM

Isang ginang sa Batangas City ang nagbigay ng libreng gupit sa mga batang lumikas mula sa pag-aalboroto ng bulkang Taal. Retrato mula kay Maria Carmela Hernandez

Sa gitna ng trahedyang dulot ng pagsabog ng bulkang Taal, kaliwa't kanan din ang buhos ng mga tulong, at kuwento ng mga kawang-gawa at inspirasyon mula sa mga kababayan.

Isa na rito ang kuwento ni Maria Carmela "Maricar" Hernandez, isang hair and makeup artist mula Batangas City na nagbigay ng libreng gupit sa mga tumutuloy sa isang evacuation center sa kanilang lungsod.

Sa panayam ng radyo DZMM, ikinuwento ni Hernandez na kahit may allergic rhinitis siya noong isang araw ay nagtungo pa rin siya sa evacuation center para magbigay ng libreng gupit, karamihan ay sa mga batang may edad 1 hanggang 10.

"Wala naman tayo kayamanan para maitulong pero doon na lang po sa service of love," ani Hernandez.

"Iniklian ko 'yong hair nila para lagi silang malinis tingnan," dagdag niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinuwento rin ni Hernandez na babalik siya sa parehong evacuation site para naman gupitan ang matatanda.

Mensahe naman ni Hernandez sa mga evacuee: "Lagi na lang tayong magdadasal dahil wala naman tayong ibang kakapitan sa mga ganitong oras."

Ibinahagi rin ni Hernandez na miyembro siya ng isang grupong nagpupunta sa mga liblib na lugar sa mga bundok para magbigay ng libreng gupit sa mga naninirahan doon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.