ALAMIN: Mga usong sakit na dapat bantayan ngayong tag-lamig

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 05:39 PM | Updated as of Jan 20 2018 08:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang Department of Health (DOH) tungkol sa mga sakit na nauuso ngayong nakararanas ng paglamig ng panahon ang maraming parte ng bansa. 

Ilan sa mga nauusong sakit ang mga sumusunod:

•Ubo
•Sipon
•Trangkaso
•Tigdas 
•Chicken pox
•Bronchopneumonia

Ayon sa DOH, sa mga panahong ito nagsisimula ang pagkalat ng tigdas at bulutong na lubos na nakababahala dahil maaari itong magdulot ng komplikasyon at maging bronchopneumonia.

Isang sintomas ng bronchopneumonia ang "fast breathing" o higit 40 beses na paghinga kada minuto.

Nakamamatay ang bronchopneumonia kaya mahalaga raw na bantayan ang mga sintomas nito.

Payo ng DOH, uminom ng maraming tubig. Dapat daw ay hindi dehydrated ang katawan para makayanan ang lamig ng panahon.

Huwag na rin umano munang mag-kape o uminom ng tsaa dahil nagpapaihi ito kaya nababawasan ang tubig sa katawan.

Ngayong first quarter o unang tatlong buwan ng taon din nagsisimula ang dengue season kaya maigi na ring mas maagang magpatingin sa doktor kapag nagkaroon ng lagnat, rashes o panghihina ng katawan.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.