PatrolPH

Estudyante naghandog ng charcoal painting kay Efren 'Bata' Reyes

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2021 03:13 PM

Estudyante naghandog ng charcoal painting kay Efren 'Bata' Reyes 1
Nag-viral sa social media ang isang 19 anyos na estudyante mula Pampanga matapos niyang bigyan ng charcoal painting ang idolong si pool legend Efren 'Bata' Reyes. Gracie Rutao


Instant celebrity ngayon sa Mexico, Pampanga si John Mark Dadulo matapos mag-viral ang video ng pagbigay niya ng charcoal painting sa idolo niyang si Filipino pool legend Efren "Bata" Reyes.

Ayon sa 19 anyos na estudyante, 2 buwan ang kaniyang ginugol sa paggawa ng painting ni Reyes. Ibinuhos umano niya ang oras at tiyaga para magawa ang obra at maiabot ito mismo sa professional pool player.

Tila dream come true umano para kay Dadulo na makita sa personal ang kaniyang idolo, na taga-Pampanga rin.

Kumukuha ng kursong Industrial Technology si Dadulo, na mas nahasa raw sa pagguhit ng charcoal portraits nitong panahon ng pandemya.

Nagawan na rin umano ni Dadulo ng portrait ang Kapamilya actress na si Andrea Brillantes, na napansin naman ng aktres.

Marami nang local at international contest na sinalihan si Dadulo, at dahil sa nakukuhang atensiyon, mas dumadami na raw ang nagpapagawa sa kaniya ng mga painting.

Naging paraan na rin ang pagpe-painting ni Dadulo para makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo't hirap makapaghanapbuhay ngayong pandemya ang inang labandera at amang welder.

Ipinayo naman ni Dadulo sa mga kapuwa kabataan na samantalahin ang panahon ng pandemya upang gumawa ng mga maglinang ng mga talento at iba pang kakayahan.

-- Ulat ni Gracie Rutao

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.