PatrolPH

Osteoarthritis di lang sakit ng mga may-edad: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 09:52 PM

Kadalasan ay iniuugnay lang sa mga matatanda ang karamdamang osteoarthritis, isa sa pinakalaganap na uri ng arthritis o rayuma.

Pero ayon sa isang rheumatologist, maaaring makuha rin ito nang mas maaga.

Ayon kay Dr. Jonathan Paul Consignado, bagaman maituturing na "risk factor" ang edad sa pagkakaroon ng osteoarthritis, maaaring mas maagang madama ang rayuma kung ito ay namana.

"Mayroon po kasing genetic link, halimbawa ay pinanganak ang isang tao na manipis ang kaniyang cartilage or 'yung nagpo-protect ng buto natin, at risk siya sa osteoarthritis," aniya sa "Good Vibes" ng DZMM.

Dagdag ni Consignado, maaaring makuha ng mga atleta ang naturang karamdaman, lalo na kung may kinalaman sa mga mabibigat na aktibidad o kagamitan ang larangan nito.

Ilan sa unang sintomas ng osteoarthritis ay ang pananakit sa katawan tuwing gumigising at bago matulog.

Pero kung hindi umano ito natugunan agad ay magkakaroon ito ng nakasisirang epekto sa katawan.

Nakatutulong daw ang pagbabawas sa timbang kapag nalamang may arthritis na, lalo na kung sa balakang o paa ang nararamdamang rayuma.

May pag-aaral kasing nagpapatunay umano na ang sobrang taba sa katawan ay nakasisira ng kasu-kasuan ng isang tao.

"Kung ang involved ay weight bearing joints ay kailangan po nating ma-retain ang ideal body weight po natin," Consignado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.