Mga lumikas dahil sa Mayon, patuloy ang diskarte para sa hanapbuhay

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 08:54 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mistulang abandonado ang Barangay Cabangan sa bayan ng Camalig, Albay matapos iwan ng mga residente dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Sarado at nakakandado ang mga bahay. Tanging mga alagang hayop tulad ng mga baka at manok na lang ang naiwan.

Kabilang ang pamilya ni Nita Noleal sa mga lumikas.

Kuwento niya, kinalakihan na umano niya ang ganitong sitwasyon.

"Dito [kasi] ang hanapbuhay namin," sabi ni Noleal, isang manghahabi, sa panayam ng ABS-CBN News. 

"Mahalaga sa akin, basta naipon ko pamilya ko dito. Ano man mangyari, nandito talaga kami. Nakaipon ang pamilya ko, sama-sama talaga," dagdag ng ginang.

Nasanay man sila sa ganitong kalagayan, hindi naman patitinag ang mga taga-Cabangan sa kanilang kabuhayan.

Gaya ni Noleal, isa ring manghahabi si Evangeline Naag, na dinala ang kaniyang panghabi para ituloy ang trabaho habang nasa evacuation center.

"Masasanay na lang po, pabalik-balik, kahit mahirap para 'yong pangangailangan ng mga anak namin na nag-aaral, may ano (pangtustos) pa rin sila," ani Naag.

Isa lamang si Evangeline sa mga lumikas na humanap ng diskarte para may patuloy na pagkakitaan sa kabila ng panganib na dulot ng bulkan.

Nang pumutok ang Bulkang Mayon noong 2014, umabot sa halos tatlong buwan nanatili ng mga residente sa mga evacuation center.

Sa muling banta ng pagsabog nito, walang katiyakan kung kailan sila makababalik sa kanilang mga tahanan at nakagawiang paghahanapbuhay.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.