Ka Louie Tabing ng DZMM 'Sa Kabukiran', pumanaw na

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 01:35 PM

Pumanaw na ang agrikultor ng bayan na si Lucio "Ka Louie" Tabing, madaling araw ng Huwebes sa Batangas.

Nakalagak na sa kanilang tahanan sa Alimarson Farm sa Tanauan, Batangas ang mga labi ni Ka Louie.

Si Ka Louie ay pumanaw matapos na atakihin sa puso sa edad na 73.

Kuwento ng kanyang naulilang maybahay na si Zenaida, nakaranas ng paninikip ng dibdib si Ka Louie kagabi saka nawalan ng malay. Isinugod siya sa ospital subalit hindi na na-revive pa.

 

Sa loob ng 20 taon, hinawakan ni Ka Louie ang programang "Sa Kabukiran" sa DZMM mula pa noong 1998.

Isinulong niya ang mga proyekto at mga adbokasiya para sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda.

Siya ay may akda ng nasa 1,000 mga tula na tinawag niyang "Punlang Diwa" kaya kinilala rin siya ng Komisyon sa Wikang Pilipino dahil sa kanyang mga likha.

Si Ka Louie ay naging "Ka Doroy Broadcaster of the Year" ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas.

Kamamatay lamang din ng panganay at nalalabing kapatid ni Ka Louie nitong buwan dahil din sa pulmonya at atake sa puso.

Umapaw naman ang pakikiramay sa Facebook page ni Ka Louie.

Marami ang nagpa-abot ng laking pasalamat sa di matatawarang tulong niya sa agrikultura. Nagbigay pugay din sa kanya ang mga tao na natulungan ng kanyang programa sa DZMM.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.