TIPS: Paano iwasan ang 'clickbait' sites, apps?

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 05:25 PM

Watch more in iWantTFC

Sa pag-usbong ng social media apps at websites tulad ng Facebook, naglipana na rin ang mga umano'y mapanlinlang na mga websites na hihingi muna ng mga pribadong datos bago ma-access nang tuluyan ng isang user.

Pero paano nga ba maiiwasan ang ganitong uri ng panloloko, na kung tawagin ay mga "clickbait" na mga website o application? 

Ayon sa founder ng technology blog na TechPinas na si Mark Milan Macanas, mahalagang maging mapanuri ang publiko sa pagtangkilik ng mga application o website sa internet, lalo na sa mga hihingi ng iyong password o contact number. 

Kasama na rito ang umano'y kaduda-dudang mga website na tadtad ng mga advertisement o magbubukas ng marami pang mga browser windows. 

"'Pag humingi ng password, ibig sabihin medyo pag-iisipan mo na iyan," ani Macanas sa "Sakto" ng DZMM. 

Bagaman may ilan naman daw na pagkakataon na lehitimo ang alok nilang mga serbisyo, dapat maging mapanuri ang publiko sa mga application na hihingi ng access sa iyong mga social media account tulad ng Facebook. 

Ayon pa kay Macanas, kasama rin sa mga tinatawag na clickbait sites ang pagmamanipula umano ng mga retrato ng mga artista para mag-endorse ng mga mapanlinlang na produkto, o magpakalat ng umano'y propaganda na maaaring maging mapanganib. 

"Napakadali kasi na mag-fabricate ng mga balita o information. Kasi wala tayong filters na tinatawag... Dapat tingnan kung ano ang pinanggagalingan ng mga balita," aniya. 

Madalas umanong naniniwala rito ang mga mas nakakatandang gumagamit ng mga internet at hindi ganoong bihasa sa paggamit nito. 

Dagdag niya, nakakatulong daw ang pagbabasa ng mga "fact-check" articles ng mga pandaigdigang news agencies para masuri kung totoo ang nababasang impormasyon sa Internet. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.