PatrolPH

Pagdiwang ng Pista ng Sto Niño sa Tondo naging tahimik dahil sa banta ng omicron

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2022 02:24 PM

Tahimik na kalsada ang sumalubong sa pista ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila nitong Enero 16, 2022. Anna Cerezo, ABS-CBN News
Tahimik na kalsada ang sumalubong sa pista ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila nitong Enero 16, 2022. Anna Cerezo, ABS-CBN News

Sa halip na masisiglang street parties, magagarbong prusisyon at parade, o ibang nakasanayang aktibidad, tahimik na kalsada ang bumungad sa Tondo, Maynila ngayong araw ng Linggo, pista ng Sto. Niño.

Dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa harap ng banta ng omicron variant, sinuspinde ng Archdiocesan Shrine of Santo Niño ang mga pisikal na misa ngayong Linggo.

Ipinagbawal din ang religious procession, street parties, stage shows, parades, street games, at ibang pampublikong pagtitipon.

Para masiguro na maiiwasan ang dagsa ng mga deboto, may mga pulis na ikinalat at isinara ang ilang kalsada sa paligid ng simbahan.

Gayunpaman, may ilang debotong nagtungo, tulad ng sa Padre Herrera, upang mag-alay ng dasal, gaya ni Noel Alquiros, na apat na dekada nang deboto ng Sto. Niño de Tondo.

Tumaon sa kaarawan ni Alquiros ang kapistahan ng Sto Niño, kaya kahit ilang metro ang layo, sinubukan pa rin daw niya makinig sa unang Misa ng simbahan.

“Kasi po ang kahalagahan ng pisikal na pagdiriwang ay yung pasasalamat sa mga biyayang binigay tulad ng magandang kalusugan,” kuwento ni Alquiros.

Kasama sa hiling niya ngayong taon ang katapusan ng pandemya.

“Kasama sa prayer po natin, sana mawala yung COVID-19 para kahit paunti-unti, maipagdiwang natin ang kapistahan ng Sto Nino.”

Sa kabila nito, naiintindihan raw niya kung bakit kinailangan isuspende ang mga pisikal na Misa.

“OK lang po na i-cancel para sa kalusugan. Kumbaga, health concern po ito. Hangga't maari, 'yung faith naman, yung pananampalataya, pwede isagawa sa bahay o nasa simbahan mismo,” sabi niya.

Dagdag pa ni Alquiros, may iba naman raw paraan para ipakita ang pananampalataya sa Batang Hesus.

“Ipagpatuloy natin yung faith natin o pananampalataya sa bahay natin o sa'ting kapwa at lipunan.”

Ayon naman sa homily ni Rev. Jose F. Cardinal Advincula, arsobispo ng Maynila, sa nagdaang limang daang taon, kasakasama ng Pilipino ang Sto. Niño, hangang ngayon. Aniya, hindi rin iniwan ni Hesus ang mga mananampalataya sa panahon ng pandemya.

“Bagama't malungkot na hindi tayo magkakasama sa loob ng simbahan at hindi natin mapagdiwang gaya ng nakagawian ang ating fiesta, tinitipon pa din tayo ng ating Mahal na Sto. Nino. Ibulong natin sa Kaniya ang ating nga kahilingan, gayun din ang marami nating kababayan na nagdurusa dahil sa COVID-19,” sabi ni Cardinal Advincula.

Sa kabila ng pagkansela ng taunang tradisyon, inaanyayahan ng Archdiocesan Shrine of Santo Niño sa Tondo ang mga deboto na ipagdiwang ang fiesta sa pamamagitan ng online masses na mapapanuod sa FB page ng simbahan.

Ang unang misa ay nagsimula ng alas-5 ng umaga at magtutuloy-tuloy hanggang alas-7 ng gabi.

-- Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.