TIPS: Paano mababawasan ang nililikhang basura

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 01:27 PM

Ika nga nila, "cleanliness is next to godliness," subalit noong nagdaang Pasko, Bagong Taon at Traslacion, naroon pa rin ang mga ulat ukol sa tone-toneladang basurang nahakot matapos ang mga nabanggit na pagdiriwang.

Sa programang "Sakto" ng DZMM, nagbigay ng tips si Jove Beniosa, isang zero waste campaigner mula sa environmental group na EcoWaste Coalition, para sa pagbabawas ng nilikhang basura.

Nangungunang payo ni Beniosa ang waste segregation o paghihiwalay ng mga basurang "puwede pang pakinabangan at saka 'yong mga basurang patapon na talaga."

"Dapat matutunan natin 'yong pagse-segregate ng basura sa atin mismong mga bahay," aniya.

Mainam ding bago bumili ng mga gamit o pumunta sa mga pampublikong lugar ay isipin na kung paano makababawas sa paglikha ng basura, ayon kay Beniosa.

Halimbawa ni Beniosa ay bago pumunta sa restoran, isipin muna kung mayroon namang pagkain sa bahay o kung kailangan pang i-take out ang pagkain, na maaari umanong makadagdag sa basura.

"Baka naman mayroon na tayong pagkain sa sarili nating bahay at di na natin kailangan pumunta pa sa restaurants... baka hindi na natin kailangang mag-take out pa kasi sa tuwing nagte-take out tayo, marami tayong inuuwing basura," paliwanag ni Beniosa.

Kapag pupunta naman sa mga pamilihan, mainam din umanong magdala na lang ng mga reusable bag para paglagyan ng mga bibilhin sa halip na mabigyan ng mga plastik.

"Imbes na pupunta sa palengke, wala tayong dalang gamit, magdala tayo ng reusable bag na puwedeng paglagyan ng ating mga pinamili," ani Beniosa.

"That way hindi na tayo lilikha at mag-uuwi ng sangkaterbang single-use plastic tuwing mamamalengke tayo," dagdag niya.

Ipinayo rin ni Beniosa ang pagdala ng mga lalagyan ng tubig na maaaring ma-refill o magamit ng paulit-ulit sa halip na bumili ng mga tubig na nasa plastic bottle.

Nasa 2,900 toneladang halo-halong basura ang nililikha ng bansa kada araw, ayon kay Beniosa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.