PANOORIN: Magpipinsan, napasayaw sa 'Tala' habang naglilinis ng ashfall sa Cavite

Job Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 06:34 PM | Updated as of Jan 15 2020 09:12 PM

Tuloy-tuloy pa rin ang pag-abot ng mga Pinoy sa mga tala!

Hindi napigilan ng ilang magpipinsan sa Munting Ilog sa Silang, Cavite ang mapaindak sa viral dance craze na "Tala" ni Sarah Geronimo sa kalagitnaan ng paglilinis ng ashfall dulot ng pagputok ng Bulkang Taal noong Linggo. 

Sa video na ipinost ni Rince Jonh Singco sa Facebook noong Enero 13, makikitang sumasayaw ang magpipinsan na sina Angelbert Regis, John Felix Regis, Rafael Alexis Regis at Rafael Cyruz Regis habang nagtatanggal ng ashfall sa bubong ng kanilang bahay.

Kumakanta kasi ang pinsan nilang si Karla Regis ng hit song ni Sarah G sa videoke. 
 

 

Sa isang panayam sa ABS-CBN News, sinabi ng nag-post ng video na si Rince na gusto lamang ng magpipinsan na maghatid ng good vibes sa kalagitnaan ng kalamidad. 

"'Yong mga pinsan ko po habang naglilinis, sumayaw po sila, pampatanggal-pagod lang po at stress dahil sa pinsalang dala ng pagputok po ng Taal Volcano," ani Rince. 

Sa bawat pagsubok, importante na huwag kalimutang ngumiti, dagdag niya. 

"Huwag [tayo] mawawalan ng pag-asa. Walang pagsubok na dumadating sa ating buhay na hindi natin kaya lampasan... Ang problema nginingitian lang 'yan, hindi tinatambayan." 

Naglunsad na ang fans ni Sarah Geronimo nitong Martes ng "Tala" flash mob para makalikom ng pera na ido-donate sa mga residenteng apektado ng pagputok ng Bulkang Taal. Gaganapin ito sa Enero 18 sa Rizal Park sa Maynila.

Pumalo na sa 10,455 na pamilya ang naapektuhan ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal ngayong Miyerkoles ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.