Paano maiibsan ang trauma na dulot ng kalamidad?

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 02:45 PM

MAYNILA — Paglahok sa mga aktibidad at pakikipag-usap sa iba ang ilan sa mga paraan para makapag-cope o matulungan ang mga taong nakaranas ng trauma dahil sa mga kalamidad, ayon sa isang doktora.

Sa programang "Good Vibes" ng DZMM, ipinayo ng psychiatrist na si Bernadette Manalo sa mga taong na-trauma bunsod ng mga kalamidad na ibahagi ang kanilang mga nararamdaman sa ibang tao, lalo kung wala pang mga ekspertong maaaring magbigay ng psycho-social treatment.

"Kapag ikaw ay nakararanas ng anxiety o nahihirapang makatulog, first and foremost, be with a family that also share the same problems and then talk about it. Mas maganda' yong napag-uusapan," ani Manalo.

Pero kapag dumating daw sa puntong binabangungot na ang tao o nagkakaroon ng flashbacks dahil sa kalamidad, mas mainam na kumonsulta na sa eksperto.

Nakatutulong din, ayon kay Manalo, para sa mga na-trauma ang paglahok sa mga aktibidad kasama ang ibang tao gaya ng kantahan at pagkakaroon ng mga programa.

Ang mga bata naman ay maaari umanong makipaglaro sa ibang mga bata.

Ayon pa kay Manalo, normal lang para sa mga taong nakaranas ng trahedya, lalo iyong hindi inaasahan, na makaramdam ng hopelessness o kawalan ng pag-asa at kahirapan sa pagtulog.

Isa pa sa mga epekto ng kalamidad sa pag-iisip ng tao ay ang pagkakaroon ng anxiety attack.

"Puwedeng mag-panic sila sa kaunting bagay lang [gaya ng] pagyanig ng lupa," paliwanag ni Manalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.