Bakit mahalaga ang magandang relasyon ng boss at empleyado?

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 02:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bahagi ng pag-unlad ng isang negosyo ang pag-angat din ng mga tauhan nito kaya mahalaga ang magandang relasyon sa pagitan ng boss at mga empleyado, ayon sa isang eksperto.

Ayon sa business and organization leader na si Armando Bartolome, mahalaga sa isang boss na may malinaw na plano hindi lamang para sa organisasyon o negosyong pinamununuan nito kundi para rin sa mga empleyado.

Kapag wala raw malinaw na plano ang boss at hindi pa marunong makitungo sa mga empleyado ay mas madaling umalis ang mga ito.

"The growth of the organization is not just the boss, it's the team," sabi ni Bartolome sa programang "Sakto" ng DZMM.

"Kapag hindi malinaw ang pag-iisip ni boss, huwag kang magrereklamo na umaalis ang mga tao," dagdag niya.

Dapat daw ay bahagi ng mga plano ng boss para sa negosyo ang pag-unlad ng karera ng kaniyang mga tauhan.

"Part of the mindset, sa akin, ay bibigyan ko ['yong empleyado] ng career path, na bibigyan ko ng break para naman umusbong, mag-flourish siya," ani Bartolome, na isa ring author at motivational speaker.

Hinimok ni Bartolome ang mga employer na tingnan ang kakayahan ng mga tauhan nila na puwedeng mapaunlad. 

"Baka 'yong driver mo may tsansa na maging isang sekretarya o baka gusto mong pag-aralin. Kasi minsan naman may mga character 'yan na lumalabas," aniya.

Makikita rin daw ang pagiging epektibo ng isang boss kung ganado o may malasakit sa trabaho ang mga empleyado nito.

"'Yong mga boss na talagang may plot, may growth, sabihin ko sa'yo kahit umulan, bumabagyo... sa kanila (employees), volunteer iyon, hindi 'yong, 'Sir may overtime [pay] ba yan?'" paliwanag ni Bartolome. 

Kapag nagpaplano ng negosyo, ayon kay Bartolome, mahalagang isama rin sa plano ang mga katangian ng mga gustong maging empleyado.

"Anong klaseng tao gusto mong i-hire? Ano'ng qualification? Gusto mo bang bigyan ng break 'yong mga di nakatapos ng pag-aaral?" ani Bartolome.

Ilan umano sa mga katangian ng boss na tinitingnan ng empleyado ay ang kaniyang reputasyon at values, at paniniwala sa produktong ibinebenta ng organisasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.