ALAMIN: Mga karamdamang dapat antabayanan sa paglahok sa Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 03:39 PM | Updated as of Jan 10 2019 09:57 AM

Milyon-milyong deboto ang taon-taong nakikiisa sa Traslacion ng Itim na Nazareno. File Photo

Gaya noong mga nakaraang taon, milyon-milyong tao ang inaasahang makikiisa sa Traslacion ng Itim na Nazareno ngayong 2019.

Ilan sa mga ito ay mayroon nang mga dating karamdaman pero hindi nagpapaawat at sumasali pa rin sa taunang pista. 

Pero ayon sa isang opisyal ng Red Cross, malaking peligro ang dala nito, partikular na sa mga may alta-presyon, diabetes, hika, sakit sa puso, at iba pang kapansanan. 

"Kung kayo po ay may sakit sa puso, mahina po kayo, mayroong hika, mayroon kayong kapansanan na nahihirapan kayo maglakad, eh mayroon po tayong pinapasok na peligro sa ganito," babala ni Dr. Susan Mercado, Deputy Secretary General ng Centers for Health and Humanitarian Action ng Red Cross. 

Katunayan, sa huling ulat mula sa Red Cross ngayong Miyerkoles, 708 tao na ang kanilang natulungan at nasa 500 dito ay sinuri dahil sa blood pressure. 

"So 708 na ang nakita na ng Red Cross, and karamihan diyan, mga 500, taking of blood pressure and doon sa mga kinukuhanan, mga 2/3 diyan pataas ang BP," ani Mercado. 

Banggit pa ng doktora, sa Traslacion noong nakaraang taon ay may isa nang namatay dahil inatake sa puso. 

Mariing binalaan din ni Mercado ang mga buntis na huwag nang lumahok sa Traslacion dahil bukod sa delikado para sa babae ay posible ring malagay sa peligro ang batang nasa sinapupunan. 

"I dont think it's safe... I think one can appreciate or participate don sa Traslacion na hindi naman nandon ka sa gitna na nilalagay mo sa peligro yung sarili mo," paliwanag niya. 

Posible rin daw sumpungin ng hika dahil sa mahabang paglalakad o sa maalikabok na paligid. 

"Exhaustion o 'yung matinding pagkapagod dahil sa lakad ka nang lakad at dahil sa alikabok ay maaaring maging trigger ng hika."

Madalas din daw mahimatay ang mga diabetic lalo't bumababa ang kanilang blood sugar dahil hindi nakakakain sa oras. 

"Akala nila makakakain sila on time, o wala silang baon, biglang mahihilo 'yan at maaaring magka-hypoglycemia," babala ni Mercado. 

Base sa datos ng Red Cross, noong nakaraang dalawang taon ng pagtulong sa Traslacion ay 20 hanggang 30 porsiyento daw ng nabigyan ng paunang lunas ay mga sugat.

Pero pinakadelikado raw dito ay mga punctured wound o natusok na bumaon sa bahagi ng katawan dahil posible itong magresulta sa tetanus.

"Iyung tinatawag nating mga puncture wound, o 'yung mga sugat na malalim. Kunwari nakaapak kayo ng pako o ano mang may kalawang."

"Kapag nakita naming punctured, we recommend na tetanus shot na kasi it's possible na magka-tetanus after a couple of days. Kasi 'yung paghuhugas hindi niya naaabot 'yung pinakadulo ng sugat at 'yung mikrobyo na iyan gustong-gusto niya kung saan walang oxygen," paliwanag ni Mercado.

Sa huli, ipinayo niyang magdala ng sariling first aid kit, magbaon ng pagkain at tubig, o di kaya'y umiwas na kung sadyang may karamdaman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.