'Nabihag ng pag-ibig': Wedding proposal, idinaan sa paghahain ng 'arrest warrant'

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 11:07 PM | Updated as of Jan 09 2020 08:41 PM

 

LAOAG CITY - Matagumpay ang inihandang wedding proposal ang isang lalaki sa kaniyang nobya sa pamamagitan ng paghahain ng kunwaring arrest warrant kasama ang mga pulis nitong bisperas ng Bagong Taon sa Barangay 13, Laoag City.

"Gusto kasi niya ang nasu-surprise kaso madali siyang nakakahalata kaya sabi ko na kapag nag-propose ako sa kanya ay hindi na siya makakahalata,“ ani Eliseo Ngayan Jr., ang lalaking nag-propose.

Akmang aarestuhin dapat si Ngayan dahil sa hindi umano pagsusustento sa nabuntis nitong babae. Biglang namang lumabas ang nobya niyang si Merryl Español para alamin kung ano ang nangyayari.

Watch more in iWantTFC

Tinanong ni Español kung sino ang nabuntis ng nobyo hanggang sa inabot na lamang ng pulis ang kunwaring warrant na pinagsulatan ng “Will You Marry Me?”

Naging matagumpay ang plano ni Ngayan dahil hindi lang basta nasorpresa si Español, nakuha niya rin ang matamis nitong oo.

"Super happy ako kasi nasurprise ako kasi ang hirap akong i-surpise,” ani Español.

Tatlong taon nang magkasintahan ang dalawa.

Magkabarangay ang dalawa pero unang nagkita at nagkakilala sa isang restaurant kung saan tumutugtog ang banda ni Ngayan habang nurse ang nobya sa New Zealand na ngayon ay nakabakasyon.

Hindi pa nila naplano kung kailan ang kasal pero tiyak na sila para sa isa't-isa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.