ALAMIN: 'Balik-alindog' tips mula sa fitness coach

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 07:59 PM | Updated as of Jan 08 2020 09:00 PM


MAYNILA - Karaniwang New Year's Resolution ang pagbabawas ng timbang at pagiging healthy sa Bagong Taon. 

Kaya naman nagbahagi ng tips ang beteranong fitness coach na si Paolo Villaruel kung paano palulusugin ang katawan. 

Una, dapat aniyang piliing maigi ang pagkain at inumin. 

"Cut down sa carbs, everyone knows siguro na iyong kanin tinapay pasta iyon ang number one na nakakataba," ani Villaruel. 

Payo pa niya: "Eat merienda para less dinner, kasi if you forget to eat snacks you will over-eat sa dinner." 

Siguruhin ding regular ang pag-e-ehersisyo. Iyon nga lang, dapat hinay-hinay lang muna para hindi mabigla ang katawan. 

"Cardiovascular activity at first 'no. Tapos samahan ng physical resistance training" ani Villaruel. 

TAMANG PAG-EHERSISYO 

Nagpakita rin ng tamang paraan ng core exercise para mabuo ang abs at makaiwas ng sobrang sakit. 

Kapag gagawa ng crunches, hindi aniya dapat inaakyat ang ulo at dapat ang balikat ang inaakyat. 

Humiga, iangat lang ang katawan hanggang sa balikat. 

"Importante tumaas itong shoulders. Maraming tao, panay leeg lang kaya sumasakit leeg nila kasi mali. You can do three sets of 10 then work on it from there," ani Villaruel. 

Kung gagawa ng leg raise, may limitasyon lang kung hanggang saan dapat itataas ang paa. 

"'Yong marami kasi ginagawa lang nila nagsi-swing lang sila ng legs. Wala iyan," ani Villaruel. 

"Only do it to the point na your lower back is relaxed." 

Dapat din aniyang i-relax ang balikat kung gagawa naman ng planking. 

"Don't put pressure too much on the shoulders," ani Villaruel. 

Kung wala namang oras para mag-gym, may mga paraan naman daw para mapanatili ang active lifestyle. 

"Instead of taking the elevator down the office, why don't they take the steps going down? Kung ayaw nila umakyat at least going down mas mahirap umakyat eh," aniya. 

Para naman mas mabilis na maging flat ng tiyan, payo ni Villaruel na i-flex ang muscle lalo na kapag nakaupo nang matagal. 

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.