PatrolPH

‘Toro de Palacio’: Toni Fowler ipinasilip ang mala-palasyong bagong bahay

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2022 03:15 PM

Screenshot mula sa vlog ni Toni Fowler
Screenshot mula sa vlog ni Toni Fowler

Sa pagsisimula ng bagong taon, binuksan din ng content creator na si Toni Fowler, o mas kilala bilang si Mommy Oni, ang pinto ng magiging bagong tahanan nila na tila isang palasyo. 

Sa inilabas na vlog noong New Year’s Day, ipinasilip ni Fowler ang lilipatang malaking bahay na pinangalan nilang “Toro de Palacio.”

Kinatatampukan ang mala-mansyong bahay ng malawak na garahe sa harapan nito habang mayroon din itong grand staircase. 

“Feeling ko papayat ako dito kasi nga ang haba ng hagdan. Ilan pa lang iyan hinihingal agad si Mommy Oni,” biro ng vlogger. 

Bahagyang inikot ni Fowler ang loob ng bahay na mayroong malawak na sala ngunit nais umano niya itong gawing dance studio. 

Isa sa pinaka-excited ang vlogger sa malawak na dining area ng bahay dahil magkakasabay-sabay na aniya silang kumain ng mga kasamahan.

Kuwento niya, hirap silang magsama-sama sa pagkain sa kanilang condo dahil limitado lamang ang espasyo na mayroon sila. 

Bukod sa high ceiling at magagarang pailaw sa bahay, tampok din sa bahay ang indoor swimming pool at malawak na backyard na balak gawing gym ni Fowler. 

Malaking ginhawa rin umano sa kanila na may malaki na silang bahay dail mas makakagalaw na ang mga kasamang bata at maging mga alagang aso.

Hindi na rin aniya sila mairereklamo kapag maingay sila lalo na kapag may ginagawa sila ng madaling araw -- na madalas mangyari noong nasa condo pa lamang sila dahil dikit-dikit ang mga bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.