PatrolPH

Bb. Pilipinas, Miss U PH halos sabay ang anunsiyo ng applicant screening

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 07:29 PM

Watch more on iWantTFC

Nagulantang ang pageant community sa halos magkasabay na announcement ng Binibining Pilipinas Charities at Miss Universe Philippines ng screening ng candidates sa kani-kanilang patimpalak.

Sa Enero 31 ang deadline para sa Binibining Pilipinas habang Enero 18 naman sa Miss Universe Philippines, na nakuha ang Miss Universe franchise sa Binibini pagkatapos ng higit 50 taon.

Naiwan sa Binibini ang mga Miss International, Miss Intercontinental, Miss Supranational, Miss Grand International, at Miss Globe.

Sentro ng isyu ang pagkahati ng suporta sa 2 pageant ng mga gown, bikini, at shoe designer gayundin ng mga applicant.

"Nakaka-sad nang kaunti kasi nagkatapatan," anang bikini designer na si Domz Ramos.

"I still have a contract with Binibini until 2020... so talagang sa Binibini ako," dagdag niya.

"Ang hirap magsalita at the moment pero Binibining Pilipinas will always be close to my heart," sabi naman ng shoe designer na si Jojo Bragais.

"Siguro dapat 'yong pageantry, 'di ma-divide, dapat mag-unite," dagdag ni Bragais. 

Pero gustong makita ng Miss Universe Philippines ang silver lining sa isyu.

"At least, matuloy namin 'yong nagawa ni [Binibining Pilipinas Charities chairperson] Stella [Araneta] before," ani Albert Andrada, isa sa mga miyembro ng executive committee ng Miss Universe Philippines.

"It's not competing with one another but it's the unity of being a Filipino," dagdag niya.

Maugong na lalaban sa Miss Universe Philippines si Miss International 2018 first runner-up Athisa Manalo at reigning Binibining Pilipinas International Patch Magtanong.

Lumutang din ang pangalan ng modelong si Kelsey Merrit at reigning Binibining Pilipinas Globe Leren Bautista.

Sa Binibini, lalaban daw muli sina Sam Bernardo, Vicki Rushton, at Miss Philippines Earth Celeste Cortesi.

Inaabangan din sa Binibini sina Pinoy Big Brother finalist Diana Mackey at ang ka-batch noon ni Miss Universe 2018 Catriona Gray na si Sandra Lemonon. -- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.