PatrolPH

Labis na pagkain ng kastanyas puwedeng magdulot ng allergic reaction, paralysis

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 02:19 PM

Watch more News on iWantTFC

Isa sa mga paboritong lantakan ng mga Pinoy ang butong nakukuha sa loob ng mga bunga ng punong kastanyas o chestnut.

Pero nagbabala ang isang doktor ukol sa mga panganib sa kalusugang dulot ng labis na pagkain ng buto ng kastanyas.

Ayon sa nutritionist-dietitian na si Mary Grace Macatangay, hindi dapat lumagpas sa 10 piraso ng buto ng kastanyas ang nakakain ng tao kada araw.

Maaari kasi itong magdulot ng allergic reaction kapag nasobrahan o paralysis kapag hindi naluto nang maayos.

“If it is unprocessed o hindi naluto nang maayos, maaari itong mag-cause ng paralysis kasi may lason ito na taglay,” paliwanag ni Macatangay sa programang “Salamat Dok.”

Kailangan din umanong kontrolin ang pagkain ng kastanyas kapag may diyabetes.

Basta hindi masobrahan, may benepisyo naman sa kalusugan ang wastong pagkain ng kastanyas.

Siksik umano ang buto sa fiber na mainam sa digestion o pagtunaw, Vitamin C na nagpapalakas ng resistensiya, at copper na nakatutulong sa paggawa ng red blood cells at potassium.

Mayaman din ang kastanyas sa B vitamins na nakatutulong sa pag-develop at paggana ng utak.

Nakakababa rin ang kastanyas ng cholesterol levels at pag-iwas sa ilang uri ng kanser, sabi ni Macatangay.

Pinabulaanan din ni Macatangay ang paniniwalang nakatataas ng uric acid ang pagkain ng kastanyas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.