ALAMIN: Paano ayusin ang body clock

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2017 01:16 AM

ALAMIN: Paano ayusin ang body clock 1

Isa sa madalas na pinoproblema ng mga tao ay ang iregular na oras ng pagtulog dala ng iba't ibang mga salik.

Isa sa mga dahilan ng pabago-bagong oras ng pagtulog ay ang trabaho, lalo na sa mga taong nagtatrabaho sa gabi at tulog sa umaga.

Ayon kay Dr. Eric Moral, isang sleep expert, kayang i-train ng mga tao ang kanilang sarili sa pagtulog.

"Tayo mismo, gagawa ng paraan para maging regular ang pagtulog," aniya.

Ayon kay Moral, ang mga taong kailangang magtrabaho sa gabi ay dapat na sanayin ang kanilang sariling matulog sa umaga. Makakatulong din kung regular ang oras ng tulog.

"Pwedeng plus or minus one hour lang ang difference sa oras ng pagtulog," ani Moral.

Mas mabuti rin kung babawasan ang paggawa ng ibang mga bagay sa loob ng kwarto, katulad ng panonood ng TV o paggamit ng gadgets.

"Pagdating ng gabi, kalimutan mo na 'yung nangyari buong araw, that's it. And isipin natin 'to na kelangan natin 'to para mag-recharge. Parang cellphone nga 'yan, hindi 'yan tatakbo sa susunod na araw kung hindi mo rin ire-recharge. So 'yung pagre-recharge, hindi mo dapat ginagalaw 'yung cellphone kapag nakasaksak na 'yan. So dapat 'yung pagtulog din, dapat hindi iniistorbo," ani Moral.