Mangingisdang putol ang kamay inspirasyon dahil sa pagsisikap para sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2021 06:05 PM | Updated as of Jan 04 2021 09:32 PM

Inspirasyon ang mangingisdang si John-John Gega dahil sa kabila ng kapansanan ay nairaraos nito ang pangingisda para maitawid ang kabuhayan ng pamilya. Screengrab, ABS-CBN News footage

LOBO, Batangas – Sa unang tingin, aakalain na walang kapansanan ang 35-anyos na si John-John Gega, residente ng Barangay Biga.

Pero kung titingnan sa malapitan, makikita na putol ang isang kamay nito habang nangingisda. 

Kuwento niya 21-anyos siya nang aksidenteng mapasuot sa makina ng bangka ang kamay, dahilan para maputol ito.

Watch more in iWantTFC

"May kinuha kami na pinamili ng nanay ko na kalakal, ngayon nag-start ako ng makina, pag-start ko ng makina kinain yung kamay ko ng makina, pumulupot," aniya.

Sa loob ng isang taon, hindi nakapangisda si Gega.

Pero dahil sa pangingisda lamang umaasa para sa pampagamot ng kanyang anak na may kapansanan, pinilit nitong makapangisda ulit.

"Gamot po saka therapy niya, laging check-up niya sa Maynila pa po siya nagpapa-check-up eh sa Quezon City, sobrang hirap hindi mo puwedeng hindi sya babantayan, kailangan talaga bantay na bantay, hindi puwedeng mawalan ng gamot," sabi ng ama. 

Araw-araw sa laot si Gega, at palaging nakakahuli, sapat para masuportahan ang anak na PWD at dalawa pa.

Nakatulong rin siya sa kanyang nanay.

Kaya naman bilib ang kanyang pamilya at mga kabarangay sa dedikasyon at pagpupursige ni Gega. 

"Kahit ho ganong kalalaki ng isda ay kaya niyang itaas... Natutuwa ho dahil kahit putol, nakakapangisda pa rin at nakakapaghanapbuhay. Inspirasyon ng iba dito na kumpleto ang kamay tapos hindi nalaot," ani PJ Arguelles, kaibigan ni Gega. 

Katulong naman ni Gega ang kanyang bunsong anak na si Kisses, di lamang sa gawaing bahay pero pati sa pag-upload sa social media ng mga videos ng panghuhuli ng isda ng kanyang ama. 

"Masaya po kasi ang daming nahanga kay papa ang dami niya pong huli, magaling po siyang maggawa ng kawil ng rapala, kahit ganun po siya," sabi ni Kisses. 

Aminadong hirap ngayon sa buhay si Gega lalo at mayroong pandemiya at sunod sunod na bagyo na tumama sa kanila noong nakaraang taon.

Gayunpaman, positibo siya na kung paano napagtagumpayan ang aksidente 14 na taon na ang nakakaraan, ganun din nila ito malalampasan. 

–Mula sa ulat ni Andrew Bernardo 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.