'Miss Universe franchise nananatili sa Binibining Pilipinas'

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 05:14 PM | Updated as of Jan 04 2019 11:08 PM

Masayang nagkukuwentuhan sina Binibing Pilipinas Charities, Inc. founder Stella Marquez-Araneta at mister niyang si Jorge Araneta, chairman ng Araneta Group of Companies. Screengrab

Taliwas sa mga espekulasyon, iginiit ng pinuno ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) na si Stella Marquez-Araneta na nasa kanilang poder pa rin ang Miss Universe franchise at hindi pa napupunta sa ibang organisasyon.

Ang sino mang nangangalaga sa franchise ang siyang may awtoridad magpadala ng kandidata para sa prestihiyosong pageant.

Watch more in iWant or TFC.tv

"It’s still with us... If some people are saying something else, let them talk about it," sabi ni Marquez-Araneta.

Ilang linggo nang maugong ang balita na nasungkit ng kompanyang LCS Group ni Chavit Singson at anak nitong si Richelle Singson-Michaels ang prangkisa ng pageant.

Ang BPCI ang kasalukuyang franchise holder ng anim na international pageants na Miss Universe, Miss International, Miss Supranational, Miss Grand International, Miss Globe, at Miss Intercontinental.

Ikinatuwa naman ng pageant community ang pahayag ni Marquez-Araneta, lalo pa't sa 55 taon niyang pangangasiwa sa franchise ay nakapagpanalo ito ng apat na Miss Universe.

"When you talk about tradition, the Aranetas have been with Binibini through thick and thin, when it's making money or not making money. They're there for the love of it. I think that's an important consideration in choosing the franchise holder," ayon sa pageant expert na si Voltaire Tayag.

Nauna nang tumanggi ang pamilya Singson na sagutin ang isyu nang ihatid nila pabalik sa Maynila si Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Pero pag-amin ni Singson noon sa DZMM, inalok sa kaniya ang franchise ng mga taga-Miss Universe pero pinag-aaralan pa niya dahil ito ay "baka dagdag trabaho lang."

—Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.