Empleyadong may Down syndrome, handog ang 'bonus' sa magulang

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagagalak sina Amy at Renato Alquiroz mula Sta. Ana, Maynila sa dagdag-blessing na natanggap noong Kapaskuhan.

Nakatanggap kasi sila ng bonus mula sa kanilang unico hijo na si Alexis Renz Alquiroz, ang anak nilang may Down syndrome na nagtatrabaho sa isang kompanya.

Galing daw ito sa 13th month pay na natanggap ng anak noong Disyembre.

"Kahit mag-isa lang siyang lalaking anak namin masaya kami kasi pinapasaya niya ang pamilya namin," ayon kay Renato.

Simula Hunyo noong 2017, araw-araw matiyagang nilalakad ni Renz ang kahabaan ng Makati Avenue para makarating sa pinagtatrabahuang electric company kung saan siya nagtatrabaho bilang all-around office staff.

Normal na empleyado ang turing sa kaniya sa opisina. Para sa kaniyang mga ka-opisina, “blessing” ang pagdating ni Renz sa kanila.
 
"Nakakawala po siya ng stress 'pag may pagkakataon na naglalambing siya sa 'min," kuwento ng katrabahong si Paul Velasco.

Nilarawan din siya bilang masipag, masayahin, at puno ng dedikasyon—na kasama sa kalipikasyan na hinahanap ng employer niyang si Luis Martin Harder.

Naniniwala si Harder na may kapasidad ang mga tulad ni Renz at ang kaniyang anak na magtrabaho at makisalamuha sa ibang tao.

“Nakaka-good vibes si Renz saka nakikita ko madali ang pick up niya. Binigyan ako ng Panginoon ng kompanya kaya bubuksan ko ang aking pinto para makatulong sa tulad ni Renz,” ani Harder, na may anak rin na may Down syndrome.

Nang tanungin kung bakit gustong magtrabaho at kumita ng pera ni Renz, sinabi niyang gusto niyang makatulong sa pagbili ng kaniyang mga pangangailangan.

Para sa kaniyang pamilya at sa mga kaopisina, isang magandang regalo si Renz sa kanila na habambuhay nilang ipagpapasalamat.

--Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.