Paano pakisamahan ang 'toxic' na mga tao?

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 01:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

"New year, new me," ika nga ng marami sa pagsisimula ng bagong taon.

Isa kasi itong oportunidad upang ituwid ang mga mali sa buhay at magsimula nang may mas positibong pananaw.

Pero paano kung ang iyong kaibigan, kapamilya, katrabaho, o ang mismong paligid na ginagalawan ay itinuturing na "toxic"?

Tinanghal ng Oxford Dictionaries bilang "word of the year" noong 2018 ang salitang toxic.

Ang orihinal na kahulugan nito ay "nakalalason" ngunit noong nakaraang taon ay karaniwan na itong ginagamit upang ilarawan ang mga negatibong tao, sitwasyon, relasyon, at iba pa.

Ayon sa life coach na si Candee Teng, maituturing na toxic ang isang tao kung laging negatibo ang pananaw nito sa mga bagay.

"Usually it's people who are pessimistic tapos sa lahat ng ginawa mong maganda, puro mali na lang ang nakikita. People who are not grateful. Lahat na lang nirereklamo," ayon kay Teng sa programang "Sakto" ng DZMM.

Kadalasan, hindi daw alam ng tao na sila pala ay toxic na.

"Ang tao may kaniya-kaniyang ugali kasi depende sa upbringing, depende sa kinalakihan. Puwedeng normal sa kanila 'yung pagiging toxic kasi toxic 'yung environment nila so kapag dinala nila [sa iba] hindi sila aware na toxic," paliwanag ni Teng.

Ayon sa life coach, mahalagang tanungin ang sarili kung kaya pa ba nitong makihalubilo sa taong negatibo o nararapat nang iwasan ito.

"Tanong mo sa sarili mo: Gaano ko ba kamahal ang sarili ko? Kasi kung mahal mo ang sarili mo bakit nakapaligid ka sa mga taong gano'n," aniya.

Pero dapat na nga bang ganap na putulin ang ano mang koneksiyon sa toxic na tao?

"Kung hindi nakakatulong sa 'yo... It really depends on you kasi kaniya-kaniya. Ang tawag namin doon, you edit your relationships. Puwedeng cut o puwedeng edit o itabi mo muna," ani Teng.

"Hindi kasi puwedeng tulong ka nang tulong tapos sarili mo napapabayaan mo," dagdag niya.

Pagbabahagi naman ng host na si Amy Perez, natutunan na lang niyang mag-"switch off mode" sa sitwasyong kailangan niyang makasalamuha ang mga toxic na katrabaho.

"May proper way to do that. Kasi the only thing you can control is how you would react to that toxic person. Meron kang puwedeng i-switch lang sa sarili mo," ani Perez.

Imbes na sabayan ang pagiging toxic ng isang tao, pinapakitaan pa daw ito ni Perez ng kabutihan.

"You treat them with kindness hoping that they will see it, hoping at the end that it will make them a better person," payo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.