ALAMIN: Usong damit, makeup, kulay ngayong 2018

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 04:37 PM | Updated as of Jan 03 2018 06:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kaakibat ng pagpasok ng Bagong Taon ang mga bagong trend o usong istilo ng pananamit, at pag-aayos ng mukha at buhok.

Ito ang tinalakay ng fashion designer na si Renee Salud, at ni hair and makeup expert na si Jim Ryan Ros sa programang "Sakto" ng DZMM.

Ayon kay Salud, violet ang pinakapatok na kulay sa 2018.

Pero hindi umano nangangahulugang lahat ay dapat makisabay sa uso at magsuot ng ganitong kulay, lalo na kung hindi ito babagay sa hitsura.

"Alamin niyo muna kung ano kulay ng balat ninyo. Hindi naman lahat ng fashion ay salpak na lang kayo nang salpak," ani Salud.

Bukod sa pananamit, ani Ros, mauuso rin ang violet bilang kulay ng buhok, kasabay ng mga kulay abo at pilak.

"So from last year na medyo mas grayish tones, ngayon mas magiging silver then combination of violet," paliwanag ni Ros.

Prints

Bukod sa violet, sinabi rin ni Salud na kung noong nakaraang taon ay nauso ang mga floral o bulaklaking damit, magpapatuloy ito sa 2018 subalit mas lalawak ang mga disenyo sa iba pang "prints."

"Last year usong-uso 'yan (floral), ngayon mas more on prints," ani Salud. 

Mananatili ring patok ang athletic na istilo ng fashion, kasama ang jogging pants at sneakers.

Sa mga nais magmukhang bata, maigi umanong magsuot ng mga pastel color gaya ng light pink at blue.

Magiging mabenta naman umano ang satin, isang uri ng makintab na tela.

"Ang maganda sa satin kasi humahakap sa katawan," ani Salud.

Mas natural

Patuloy na lumalaki umano ang impluwensiya ng South Korea sa makeup at skin care, bukod sa pangunguna sa kalakaran ng mga beauty product.

"Ngayon napakalaki ng influence ng [South] Korea sa fashion, even sa abroad," ani Ros. "Westerners now are copying [Korean] trend[s]."

Ayon kay Ros, mas kaaakit-akit na ang hitsurang mukhang "natural," o iyong magaan o tila halos walang makeup.

"In totality, makeup in 2018 will be more subdued," aniya.

Hindi na rin umano maikakaila ang kahalagahan ng kilay sa mukha.

Pero mula sa pagkakaroon ng angat na kilay noong nakaraang taon, mas maganda umanong disenyo ng kilay na tila mabuhok o mabalahibo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Dati uso ang angat na kilay ... [ngayon] mas maganda ‘yong kilay, nakikita iyong hair strands," paliwanag ni Ros.

Subalit hindi lang umano ito para sa makakapal ang buhok sa kilay. Maaari rin umanong guhitan ng mga "hairstrands" ang kilay kung ito'y manipis.

Kung noong nakaraang taon naman ay nauso ang matte o walang kintab na lipstick, ngayon ay mas magiging patok ang labing tila maputla.

"More on healthy looking lips," sabi ni Ros. "Pink na bagay sa skin tone, brownish-pink for morenas."

Pagdating naman sa buhok, patok ang buhok na kulot at tila magulo.

"Mas undone, mas maganda, parang tussled lang talaga," paliwanag ni Ros.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.