Aktres, ibinahagi ang pinakamasakit sa pagkakaroon ng anak na may special needs

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 10:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Karaniwang sinasabi na wala nang hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina at titiisin nito ang lahat ng hirap para sa kapakanan ng anak. 

Pero paano kung talagang sinusubok ng pagkakataon ang katatagan ng isang ina at ang kaniyang anak ay nangangailangan ng ibayong pag-aaruga at espesyal na atensiyon?

Ito ang pagsubok na pinagdaanan ng aktres at komedyanteng si Candy Pangilinan na may anak na special needs.

Kuwento ni Pangilinan sa programang “Good Vibes,” kakapanganak pa lamang ng kaniyang anak na si Quentin nang magkahiwalay sila ng kaniyang kabiyak.

“I just got separated during that time… after I gave birth, less than a month. Nag-golf ‘yung asawa ko, hindi na siya bumalik,” aniya. 

Matapos ang siyam na buwan, pinatingnan ni Pangilinan ang kaniyang anak sa developmental pediatrician at inabisuhan siyang isailalim sa therapy si Quentin. 

Sumailalim naman sa therapy si Quentin at napag-alaman ni Pangilinan na may attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) ang anak. Pero may bagong impormasyon siyang natanggap sa kondisyon ng anak dalawang taon ang nakalilipas.

“This is weird, two years ago, sinabi sa akin nu'ng doctor ko ‘Candy, we’re ruling out autism.’ Sabi ko ‘why?’ Sabi niya ‘because nag-develop siya ng social skills.’ ‘So may autism pala siya?’ sabi ko kasi ang alam ko before, ADHD,” kuwento niya. 

“He’s still under the spectrum of autism pero hindi mo masasabing full-blown autism siya kasi mayroon na siyang social skills pero mayroon pa rin siyang ADHD na may sensory integration problem… Sensory integration problem is usually hindi coordinated ‘yung nasa utak niya sa ginagawa ng katawan niya,” paliwanag niya. 

Pero hindi agad napagtanto ni Pangilinan ang bigat ng kondisyon ng anak.

“Nung time na ‘yon, hindi pa nagsi-sink in sa akin na matindi pala ‘to. When I was going through therapy with my child, doon ko na-realize [na] ay panghabambuhay pala ‘to,” kuwento niya. 

Matapos ito, niyakap na lamang niya ang sitwasyon at inayos ang sarili niya upang mas maalagaan ang anak. 

“I just deal with Quentin like a normal child. Normal child na although mas strict ako sa kaniya, he cannot do a lot of thing, he cannot eat a lot of things, but I just live by the day,” aniya. 

Nakatulong din aniya na hindi niya tinago ang kalagayan ng anak at ang pagtuturo ng sign language upang mas magkaintindihan sila ni Quentin. 

Sa kabila nito, inamin ng aktres na mahirap pa rin ang naging pagpapalaki sa anak. 

“’Yung nakikita mo ‘yung bata kapag birthday party, tapos lahat ng bata maglalaro tapos nakita mo ‘yung anak mo, walang nakikipaglaro… Tapos tatakbo sila, ang gagawin ni Quentin siya na lang ‘yung humahabol the whole time,” kuwento niya. 

“Alam mong binu-bully siya, hahayaan mo lang kasi iniisip ko parati he has to go through this. Ito ‘yung reality niya e and it’s always like that until now.”

Watch more in iWant or TFC.tv

Kalakip naman ng pagsubok na kaniyang pinagdaanan bilang isang ina ang mga natutunan niya mula sa anak.

“There was a time na naabutan ako ni Quentin na umiiyak… Sabi niya sa ’kin ‘mom, what’s the problem?’ Sabi ko, ‘you know Quentin, someone did something really bad to us.’ Tanong niya sa ’kin ‘did you do something wrong?’ Sabi ko ‘no.’ Sabi niya sa’kin ‘it’s their problem.’”

Mayroon ding mensahe si Pangilinan sa iba pang ina.

"To all parents, special man or hindi, you just have to embrace your child. No child is perfect. No child is the same. So hindi puwedeng 'yung pagpapalaki mo doon sa una ay ganun din ang pagpapalaki mo sa pangalawa at sa pangatlo... Kung anuman 'yung strength and weakness ng anak niyo, you just have to embrace it," payo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.