Malusog na katawan sa 2018, paano titiyakin?

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang kaliwa't kanang handaan nitong holiday season, pagbabawas ng timbang o pagiging fit naman ang aatupagin ng marami.

Pero paano nga ba matitiyak ang magandang pangangatawan ngayong 2018?

Payo ng fitness expert na si Jaako Bernardo para mas mapaganda ang pangangatawan ngayong Bagong Taon, magdesisyon na gawing long term ang healthy lifestyle at hindi lang panandalian. 

"Make it a habit, meaning to say 'pag sinasabi nating habit, gawan niyo ng schedule 'yan. Hindi puwedeng gagawin niyong day-to-day basis na parang 'okay bukas magwo-workout ako ng 2 o'clock.' No. Plan ahead," payo ni Bernardo.

"People will say they'll go but they won't go. Show up and show up consistently. Napakalaking bagay niyan," dagdag pa niya.

Ayon kay Bernardo, magsimula sa realistic goals o iyong kayang-kaya maabot. 

"Kung sabihin ko kaagad [na] lima ang kailangang gawin ng tao, mapre-pressure sila kaagad na 'di ko kaya ang lima, di ko na lang gagawin. It's not for me.' So start small. Two times a week for eight weeks then you can start thinking about wow I'm confident already, I gained my strength, maybe I could add another day," aniya.

Kapag mag-eehersisyo, mahalaga aniya na mag-warm up para makaiwas sa injury. Mainam din gumamit ng foam roller. 

Para naman sa mga nais maging toned ang legs, maraming body weight exercises ang puwedeng gawin kahit sa bahay gaya ng squats, lunges, at bridge. 

Mainam din ang mga exercise na nagwo-workout ng dalawang parte ng katawan.

Upang maging patuloy ang pag-ehersisyo, makatutulong na kumuha ng coach o kasama kung kaya. 

Bukod sa ehersisyo, mahalaga rin ang pagkain ng prutas at gulay, at pag-inom ng mas maraming tubig upang maabot ang “fitness goal.”

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.