PatrolPH

Mga namasyal sa New Year nanibago sa quarantine protocols, kakaunting turista

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2021 08:40 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Naninibago ang ilang namasyal sa mga tanyag na tourist hubs nitong Bagong Taon sa bilang ng mga tao ngayong taon dahil sa pandemya. 

Marami ang nagtungo sa Tagaytay sa Cavite para magdiwang ng Bagong Taon. Kasabay nito, nag-iingat ang ilang mga turista ngayong may pandemya pa rin. 

"Hindi kami lumalapit sa ibang tao. Mga relatives lang nilalapitan namin. Hindi rin kami naghahawak ng mga bagay-bagay kasi baka du'n makuha ang virus," ayon kay Loriane Lumanglas, na pumasyal mula Quezon City. 

Umabot sa 2,700 ang mga turista sa Tagaytay, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Pero kakaunti pa umano ito kumpara noong nakaraang taon. 

Kasama sa mga dahilan ang pagpapatupad ng age restrictions sa lungsod. 

"Hindi ganoon karami ang turista, pero kung ikukumpara sa previous months, nag-i-increase ang pumupunta sa Tagaytay, lalo na ngayong ang lamig ng hangin," ani Tagaytay tourism officer Jelane Mendoza. 

May ilan namang bumisita sa Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa Laguna. Pero kung dati puro bata ang mga narito, ngayon ay mga may edad na 15 hanggang 65 anyos lang ang puwedeng makapasok.

Hindi rin natuloy ang fireworks display, na kilalang gawi sa Luneta. 

Nagbukas na rin ng bagong atraksiyon ang parke, at sinigurong nagdi-disinfect sila ng mga gamit at upuan. 

May contact tracing protocols din. 

-- Ulat nina Bianca Dava, Jerome Lantin, at Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.