Year of the Metal Rat: Mga bagong negosyo suwerte, pagtataksil sa relasyon talamak

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 03:09 PM

MAYNILA — Hinimok ng isang feng shui expert ang mga negosyante at mga manggagawa na sumugal sa mga bagong bagay o aktibidad ngayong Year of the Metal Rat dahil suwerte ito.

Maituturing ang Year of the Metal Rat bilang "new beginning" dahil sa rat nagsisimula ang animal cycle ng Chinese horoscope kaya mainam na lakasan ang loob at lumahok sa mga bago, ayon kay Master Hanz Cua.

Pagdating sa negosyo o trabaho, halimbawa, suwerte umano ang mga bagong kompanya o karera.

"Marami dating mga sikat na, mga technology man 'yan, o kompanya na mawawala. Kakainin sila ng mga bago. 'Yong mga bago at nagsisimula pa lang, sila ngayon ang magiging powerful," ani Cua.

"Dapat lagi tayo naghahanap ng bagong ventures, bagong tirahan, bagong gagawin mo, bagong negosyo, bagong career," dagdag niya.

Kabilang sa mga negosyong papatok sa 2020, sabi ni Cua, ay mga may kinalaman sa pagkain at internet gaya ng mga online store.

Ipinayo naman ni Cua sa mga tao na iwasang maging mainitin ang ulo dahil uso rin ang alitan ngayong 2020.

Ang element kasi na kaakibat ng Year of the Rat ay metal, na sumisimbolo raw sa conflict o gulo.

"'Yong mga countries ngayon, mas habaan nila 'yong pasensiya kasi mas possible 'yong gulo," ani Cua.

PAGTATAKSIL MAGIGING TALAMAK

Pagdating namans a pag-ibig, mauuso naman ang infidelity o pagtataksil dahil ang rat ay isa sa mga "malalanding" animal zodiac, ayon kay Cua.

"Typical ngayon ang may kinalaman sa mga third party, office romance, sex scandal," ani Cua.

Sa show business, ayon kay Cua, maraming mga artista na magkarelasyon ang haharap sa mga isyu ng pagtataksil.

"Marami diyan na alam mo dati nang matagal nang magkasama, maghihiwalay, magsasama ng bago," aniya.

Tema rin umano ng pag-ibig ngayong 2020 ang mga magkarelasyon na may malayong agwat ang edad.

SUWERTE SA PAGEANT, SPORTS

Dagdag pa ni Cua ay susuwertihin ang mga Pinoy sa paglahok ng mga ito ss international competitions gaya ng beauty pageants at sporting event.

Malaki rin daw ang tsansang tutulungan ang bansa ng mga kaalyadong bansa at pinakamaganda raw na kaalyado ng Pilipinas ngayon ang China.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.