Paano nakakaapekto sa kalusugan ang negatibong pananaw sa buhay?

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 05:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang negatibong pag-iisip at pananaw sa buhay ay maaaring magdulot ng mga sakit sa katawan ng tao, ayon sa isang doktor.

Ipinaliwanag ng psychiatrist na si Joan Mae Perez-Rifareal na ang positibo at negatibong pag-iisip ay hindi lamang nakakapekto sa emosyon kundi may "biological component" din.

"Hindi lang siya puro emotions, may nangyayari sa brain, neurotransmitters natin, 'yong mga hormones sa brain," ani Rifareal sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Kapag negatibo mag-isip ang isang tao, tumataas ang cortisol niya sa katawan o iyong "stress hormone" na nagdudulot ng negatibong epekto sa katawan gaya ng hypertension o diyabetes, ayon kay Rifareal.

Kung positibo naman, naglalabas naman umano ang utak ng 4 na kemikal — dopamine, serotonin, oxytocin, at endorphins.

May mga maaari raw gawin ang isang tao para mapataas ang produksiyon ng kemikal na makatutulong sa pagiging masayahin o pagkakaroon ng positibong pananaw.

Kabilang daw dito ang pag-eehersisyo, pagkakaroon ng sapat na tulog, at tamang diyeta.

Ayon sa mga pag-aaral, may mga pagkain talagang nagpapataas ng dopamine at serotonin gaya ng saging, avocado, green leafy vegetables, at isda, sabi ni Rifareal.

Makatutulong din daw sa isang tao na manatiling positibo kapag pinaligiran niya ang kaniyang sarili ng mga positibong tao.

Ayon kay Rifareal, hindi maiiwasang makaranas ng masasamang situwasyon, lalo iyong mga hindi kayang kontrolin gaya ng pagkamatay ng mga kakilala o sakit.

Pero sa paglipas umano ng panahon ay hihilom naman daw ang sakit na nararamdaman ng tao.

"Ang emotions natin through time, mayroon din paghihilom," ani Rifareal.

Maganda rin daw tingnan ang bawat masamang pangyayari bilang learning experience.

"Magagamit natin 'yong previous experience natin, kung paano tayo nag-grow, nag-cope with those situations sa mga susunod nating negative experiences," sabi ng doktora.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.