Santiago nanguna sa survey ng environmental groups

ABS-CBN News

Nanguna si presidential bet Senator Mirriam Defensor-Santiago sa survey ng iba't ibang environmental groups.

Ikinasa ang survey para matukoy kung sino sa mga kandidato pinaka may pakialam sa mga isyung pangkalikasan tulad ng krisis ng El NiƱo sa Mindanao, tumitinding init ng panahon at environmental injustice gaya ng pagpapadala ng basura ng Canada sa Pilipinas.

Nanguna sa lahat ng environmental agenda si Santiago na nakakuha ng 102 puntos.

Sumunod sa kaniya sina Davao Mayor Rodrigo Duterte na may 25 puntos, Senator Grace Poe na may 14 puntos at Liberal Party bet Mar Roxas na may pitong puntos.

Nasa huling pwesto si Vice President Jejomar Binay na may limang puntos.

Samantala, sa mga vice presidential candidates, nasa unang pwesto si Senator Francis Escudero.

Pangalawa naman sina Senador Gregorio Honasan II, Ferdinand Marcos, Jr. at Alan Peter Cayetano.

Pinakamababa ang puntos nina Senator Antonio Trillanes IV at Congresswoman Leni Robredo.

Naniniwala ang mga environmental leader na panahon nang tutukan ng mga susunod na lider ng bansa ang pagpapatupad ng mga plano para sa kalikasan.

Nilinaw rin ng mga environmental leader na wala silang iniendorsong kandidato.

Sa kabila nito, umaasa silang magagamit ang kanilang survey bilang gabay sa mga botante na iboto ang mga kandidatong may pakialam sa kalikasan.

- Umagang Kay Ganda, 22 Abril 2016

KNOW THE WHOLE STORY