4 kandidato sumalang sa 'Harapan ng Bise'
ABS-CBN News
Mala-piyestang harapan ang naganap sa muling paghaharap sa debate ng apat na kandidato sa pagka-bise nitong Linggo.
Hindi man nagkagirian sa "Harapan ng Bise" sa ABS-CBN, naipaliwanag naman ng mga kandidato nang mas mabuti ang kanilang mga plataporma.
Hinimay nina Camarines Sur Rep. Leni Robredo at mga senador na sina Alan Peter Cayetano, Francis "Chiz" Escudero at Antonio Trillanes IV ang kanilang mga plano para sa bayan -- mula pagsugpo sa kahirapan hanggang sa pagtitiyak ng kaligtasan ng lahat ng mamamayan.
Sumagot din sila sa ilang katanungan ukol sa mga kontrobersyal na kandidato, tulad ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na binatikos dahil sa kanyang pahayag ukol sa isang kaso ng rape.
Tinalakay din nila ang pagbawi sa umano'y nakaw na yaman ng pamilya ni Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, pagkakaroon ng mga bigating ninong at ninang ni Escudero, at kanilang pipiliing mga kalihim sa susunod na administrasyon
Nagpatutsada rin si Cayetano kay Escudero ukol sa umano'y pananahimik nito ukol sa isyu ng mga kaalyado.
Lahat ng mga kandidato ay inimbitahan sa Harapan ng Bise pero parehong may ibang lakad si Marcos at Senador Gregorio Honasan II kaya hindi nakadalo sa debate.
- Umagang Kay Ganda, 18 Abril 2016