MULTIMEDIA

Aarestuhin dahil sa pagiging 'tambay'? Alamin ang iyong karapatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 01:47 AM

Tinatayang 8,000 indibidwal ang nahuli ng pulisya sa loob lang ng isang linggong operasyon laban sa mga "tambay" (loiterers) na lumabag umano sa iba't ibang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.

Kasunod ito ng utos kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tambay.

Nilinaw din naman ni Duterte nito lamang Biyernes, Hunyo 22, na hindi niya ipinaaaresto ang mga tambay.

Ayon sa Free Legal Assistance Group, narito ang mga dapat tandaan kung nahaharap sa pag-aresto ang indibidwal. 

1. Maging kalmado. Huwag hayaang pangunahan ng iyong imahinasyon ang maaaring sunod na mangyari matapos mahuli.

2. Sabihan ang kaanak, kaibigan, o maging ang isang nasa lugar habang ikaw ay inaaresto na maging saksi sa paghuli sa iyo. Maaari ring tumawag sa mga kaanak, kaibigan, at abogado para sila'y makinig sa paraan ng pag-aresto sa iyo.

3. Itanong sa tao o mga taong umaaresto sa iyo ang kanilang pangalan, mga posisyon, at kung saang tanggapan o ahensiya sila galing o kasapi.

4. Humingi ng kopya ng dokumentong nagbibigay awtoridad para sila'y manghuli. Suriin nang maigi ang papeles dahil dapat ay tama ang pangalang nakasaad sa warrant of arrest at dapat ay nakalagay rin ang klase ng paglabag na iyong ikinaaaresto.

5. Huwag maging brusko sa pagtanggi sa pag-aresto. Sabihing kinokontra mo ang panghuhuli at di mo wine-waive o isinasantabi ang iyong mga karapatan pero sasama ka sa kanila sa mapayapang paraang upang maiwasan ang karahasan.

6. Tanungin ang arresting officer o ang nangunguna sa iyong pag-aresto kung saan ka dadalhin. Hilingin din na ikaw ay samahan ng kaanak, kaibigan, o sinumang nakasaksi sa iyong pag-aresto.

7. Hilinging makatawag ka sa iyong abogado. Kung ito'y hindi pagbibigyan, hilingin sa kaanak o sinumang nakasaksi sa iyong pag-aresto na tumawag sa iyong abogado. Ipaalam sa abogado ang pagkakakilanlan ng mga umaresto sa iyo, dahilan ng pag-aresto sa iyo, at kung saan ka dadalhin.

8. Tandaan ang lahat ng magiging paglabag sa iyong karapatan, at vkung mayroon man, ireklamo ito matapos maaresto, sa pagkakataong ihaharap na sa hukom o piskal.

9. Kung ang mga aaresto ay nakadamit pangsibiliyan at tumangging ibigay ang kanilang pangalan o maglabas ng warrant of arrest, tanggihan din ang pagsama sa kanila. Sa ilalim ng batas, ang mga aaresto ay dapat naka-uniporme, maayos ang pakikitungo, at irerespeto ang iyong karapatan at dignidad.

10. Kung sasabihin sa iyo na hindi ka inaaresto, sa halip ay iniimbitahan lamang para sa interogasyon, sabihing sasangguni ka muna sa iyong abogado. Ang iyong abogado dapat ang makipag-usap sa mga awtoridad para mag-ayos ng petsa, oras, at lugar para sa iyong interogasyon. Kung hindi ka papayagang sumangguni sa abogado, huwag sumama sa mga nagpakilalang awtoridad. Kung sila'y magpilit, maituturing nang pag-aresto ang kanilang ginagawa at mainam na balikan ang mga naunang nabanggit na abiso ukol sa dapat gawin kung inaaresto.

Para sa bersiyong Ingles: