Pagpatay sa mag-ina, di pagnanakaw ang motibo?

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 11:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tukoy na ng Cavite police ang pagkakakilanlan ng suspek sa likod ng brutal na pagpaslang sa isang mag-ina ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa General Trias, Cavite.

Sa tulong ng mga nakalap na ebidensiya at CCTV footage mula sa subdivision, nakabuo ng teorya ang pulisya hinggil sa motibo ng krimen at suspek, na hindi muna binigyan ng pagkakakilanlan.

Nakuhanan ng CCTV mula sa gate ng subdvision, madaling araw ng Disyembre 8, ang paglabas ng pulang sasakyang huling ginamit ni Ruby Gamos at ng 7-taong gulang na anak.

Disyembre 11 nang matagpuan ang mga naaagnas na bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa subdivision.

Base sa CCTV, pinaniniwalaan ng pulisyang sa pagitan ng alas-10 ng gabi ng Disyembre 7 at ala-1 ng madaling araw ng Disyembre 8 pinatay ang mga biktima.

Tutok din ang mga imbestigador sa dalawang lalaking lulan ng motorsiklo at nakitang pumasok sa gate ng subdvision, ilang oras bago lumabas ang sasakyan ng mga biktima.

Ayon sa Cavite police, lumalabas na posibleng iba ang pakay ng mga salarin sa mga biktima at pinagmukha lang na nagnakaw sila para iligaw ang imbestigasyon.

Maliban kasi sa telebisyon at cellphone ng mga biktima, hindi naman tinangay ang mga alahas na nasa loob ng kuwarto kung saan nahanap ang mag-ina.

Napansin din ng pulisya na kahit maraming patalim sa loob at labas ng bahay, hindi ito ginamit sa pagpatay. Sa halip, binugbog at sinakal ang mag-ina.

Natagpuan din ng pulis sa mismong pinto ng bahay ang isang pares ng tsinelas ng lalaki, na maaaring senyales na pinapasok ng bahay ng mga biktima ang mga suspek.

May nakakita umano na taga-subdivision na suot ng isa sa mga naka-motor ang kaparehong kulay na tsinelas.

Hinihintay pa ng pulisya ang ilang ebidensiya, gaya ng DNA, mula sa crime laboratory.

Ipinahayag naman ng padre de pamilyang si Marlon Gamos ang kaniyang tiwala sa National Bureau of Investigation (NBI) para hanapin ang responsable sa pagpatay sa kaniyang pamilya. 

Ito'y matapos ipag-utos ng Department of Justice sa NBI na magsagawa rin ng imbestigasyon sa krimen noong Huwebes. 

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.