Taliwas sa ilang paniniwala, maituturing na panggagahasa ang ilang kilos kahit pa walang pagniniig na naganap, ayon sa batas.
Sa programang 'Usapang de Campanilla' sa DZMM, inilahad ni Atty. Claire Castro ang ilang probisyon ng batas ukol sa panggagahasa o rape.
“There’s no need na may penetration talaga,” ani Castro.
Paliwanag pa niya, kahit sa bibig lamang ipinasok ang ari ng lalaki ay maituturing na itong panggagahasa.
“Kasi ngayon, kahit sa bibig lamang, pinuwersa mo na ipasok ‘yung parte ng lalaki, puwede na siyang rape.”
Bukod pa rito, maaari ring magreklamo ng rape kahit madikit lamang sa ari ng babae ang ari ng lalaki.
“’Yung parang sa bungad lamang ng ari ng babae, kapag medyo nadikit na ‘yung penis, mako-consider siyang rape,” ayon kay Castro.
Maituturing din na panggagahasa ang sapilitang pagpasok ng bagay sa ari.
“Kahit gamitan mo lamang ng…kahit hindi na ‘yung pinaka-ari ah? Gamitan mo ng something hard, ipasok mo, any object, it can be rape.”
Tinalakay din ni Castro na maaaring magreklamo ng rape ang isang lalaki, taliwas sa paniniwala ng marami na babae lamang ang nabibiktima nito.
“Meron kasi ngayon sa batas natin na kahit na gamitin mo lang ay ‘yung bandang likuran at pinuwersa mo ‘yung lalaki sa likuran, ‘yan ay rape na. Dati parang hindi natin naiisip na ganyan, dapat babae lamang.”
Kapag napatunayan ang panggagahasa, mahaharap sa parusang reclusion perpetua ang nagkasala.
Pero paliwanag ni Castro, nang unang maipasa ang Anti-Rape Law ay parusang kamatayan pa ang ipinapataw sa nagkasala.
“Actually nung ginawa ito, may death penalty pa. Pero as of now siyempre pinakamataas na penalty natin ay reclusion perpetua so lahat ng rape, reclusion perpetua.”
Samantala, may ilang kaso kung saan kinukuhanan pa ng retrato o video ang panggagahasa.
Ayon kay Castro, bukod sa rape ay maaaring kasuhan ng paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act ang sinumang gagawa nito.
Nakasaad sa batas na ito na ipinagbabawal ang pagkuha ng mga retrato o bidyo ng kahit anong sexual act, kabilang na ang pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan ng tao, nang walang pahintulot.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DZMM, Usapang de Campanilla, Batas Kaalaman, Payong Legal, rape, Anti-Rape Law, Tagalog news, PatrolPH