ALAMIN: Karapatan laban sa ilegal na paghahalughog

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 05:38 PM

Mga ebidensiyang nakuha sa pamamagitan ng ilegal na paghahalughog, maaari bang gamitin sa korte?

Ayon kay Atty. Noel del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM, hindi maaaring gamitin bilang ebidensiya ang mga nakumpiskang gamit laban sa isang akusado kung ang paghahalughog ay ilegal na isinagawa.

Tinatawag aniya itong "exclusionary rule."

"Lahat ng demokrasyang [bansa] sa buong mundo ay naninindigan sa karapatan na ito dahil ipinapalagay na masyadong makapangyarihan ang gobyerno," paliwanag ni del Prado.

Sa katunayan, ayon aniya sa sinasabi ng Korte Suprema, binibigyan nang patas na pagkakataon at karapatan ang mga akusado at inosente na maipagtanggol ang kanilang sarili.

Basehan ng search warrant

Ayon kay del Prado, kailangan munang magkaroon ng probable cause bago magbaba ng search warrant ang isang korte laban sa isang iniimbestigahan. 

"Kailangan na mayroong probable cause bago maging batayan ng tinatawag na search warrant at 'yong probable cause na 'yon, 'yung huwes mismo ang personal na nakausap, nagtanong, gumamit
ng mga searching questions o nakapagsiyasat ng mga pagtatanong du'n sa taong mayroong personal knowledge o may personal na kaalaman tungkol dun sa posibleng krimen o posibleng mga ilegal na mga kagamitan," paglilinaw ni del Prado.

Valid search without a warrant

Mayroon din namang mga exemption sa exclusionary rule.

Ito raw aniya iyong mga nakikita 'in plain view'. Halimbawa ay mayroong nakita ang mga pulis na isang tao o grupo na nagsasagawa ng ilegal na gawain.

"Kung mayroon talagang nagpa-'pot session' diyan ay puwede nilang hulihin kasi hiwalay na krimen 'yon, hindi 'yon galing sa paghahalughog," ani del Prado. 

"Basta iyong alagad ng batas ay mayroong dahilan na nando'n siya sa tamang lugar at siya ang nakasaksi, nakakita, [at] nakarinig, meron siyang personal knowledge, 'yon ay pumapasok doon sa mga exception," dagdag niya.