PatrolPH

Binatilyong namatay sa 'Galugad', nakapantulog, 'nagsasara ng tindahan'

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 10:12 PM | Updated as of Aug 18 2017 11:28 AM

Naka-shorts pantulog at nagsasara na ng tindahang pinagkukuhanan niya ng pambaon sa eskuwelahan ang 17 anyos na si Kian Loyd De Los Santos bago ito masawi, ayon sa kanyang amang si Saldy sa panayam sa SRO, programa sa DZMM, Huwebes ng gabi. 

Masamang masama ang loob ni Saldy sa sinapit ng kanyang anak, isang grade 11 student na namatay matapos ang operasyon ng pulis-Caloocan Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa report ng Caloocan police, bumunot ng baril at nagpaputok umano ang binatilyo nang makita ang mga pulis.

Ngunit ayon kay Saldy, nakita sa CCTV na binitbit ng mga pulis si Kian Loyd at dinala sa madilim na bahagi saka pinatay.

"Hindi namin matanggap na babaril siya ng pulis samantalang nakita namin sa CCTV camera, kung babarilin sila ng anak ko... bakit dala dala nila 'yung anak ko? Kinaladkad, dinala nila sa dilim, doon nila pinatay. Tapos sasabihin nila lumaban?" aniya.

Dagdag pa ni Saldy, walang anumang record sa pulisya ang kanyang anak, at gayon din siya. Nagbebenta lamang daw sila ng kendi sa tapat ng eskuwelahan, kung saan naroon din ang kanilang bahay. 

Katatapos lamang umano magsara ng tindahan ni Kian Loyd nang madaanan ng mga pulis.

"Wala kaming record. Nagtitinda lang po kami ng kendi. Ang bahay namin nasa harap ng eskuwelahan. 'Yung anak ko nagtitinda lang po 'yun. Nagsara lang siya ng tindahan tapos nadaanan siya ng pulis, dinala siya. Tapos sasabihin, binaril sila ng anak ko?" ani Saldy.

Ayon kay Saldy, maraming mga testigong nagsasabing nagsisinungaling ang mga pulis at itinanim lamang sa kanya ang mga ebidensiyang nakita sa kanya.

Dagdag niya, ni walang pulis na lumapit sa kanila upang ipaliwanag ang diumano'y kaugnayan ni Kian Loyd sa ilegal na droga.

Kahit umano matalo sila sa kaso, ipinangako ni Saldy na ipaglalaban niya ang kanyang anak, ang ikatlo nila ng asawa niyang nagtatrabaho sa Riyadh. 

Marami pang ibang pinagtatakhan si Saldy tungkol sa pagkamatay ng kanyang anak, gaya ng nakuha umanong mga gamit dito, at pati ang posisyon kung saan nakuha umano ang mga ito. 

Nagdadalamhati pati ang mga kaklase at guro ni Kian Loyd, sabi ng ama. 

Ayon sa spot report ng pulisya, may nakuhang kalibre .45 at apat na basyo ng bala at dalawang sachet ng shabu mula sa binatilyo, bagay na itinanggi ni Saldy.

Paliwanag ni Senior Superintendent Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan City police, delikado ang lugar kung saan napatay si Kian Loyd kaya dito isinagawa ang kanilang "one time, big time" operation.

Dagdag pa niya, mayroon silang nahuling drug suspect na nagsabing runner ng ilegal na droga si Kian Loyd.

"Sa follow-up operation natin, nakahuli din tayo. At dito po natin napatunayan, si alyas Nono, nagturo na ito pong suspek nating si Kian ang siyang tagadala sa kanya ng mga order niya na dalawang bulto, o more or less 10 grams," ani Bersaluna.

"Si Kian po, siya po ang runner ni Alyas Neneng, na kanilang kapamilya," dagdag pa ni Bersaluna.

Nakita rin umano sa cellphone ni alyas Nono ang mga transaksiyon sa pagitan nila ni alyas Neneng, na magpapatunay na runner si Kian Loyd.

Ayon pa kay Bersaluna, hindi naman si Kian Loyd ang target ng kanilang operasyon, ngunit isa siya sa mga tumakbo nang dumating ang mga pulis.

Dagdag pa ni Bersaluna, hindi rin makukumpirma na si Kian Loyd ang nakita sa CCTV na bitbit ng dalawang lalaki.

"Hindi po natin masigurado 'yun. Nang makita ko 'yung bidyo, unang una hindi ko rin naman kilala 'yung tao. At hindi ko rin po makilala dahil hindi po nakaharap sa camera," paliwanag niya.

Ayon kay Bersaluna, hindi naman masisiguro ng ama ni Kian Loyd na si Saldy na walang kinalaman ang kanyang anak sa ilegal na droga dahil hindi naman niya ito palaging nasusubaybayan.

"Hindi po natin masasagot 'yan kasi ang lahat po ng mga magulang, hindi naman po lahat ng oras ay nakakasubaybay sa kanilang mga anak," aniya. 

Kung magsampa umano ng kaso ang pamilya ni Kian Loyd ay handang paimbestigahan ni Bersaluna ang nangyaring operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.