ALAMIN: Paano rumesponde sa bomb threat

ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 12:14 PM

MAYNILA - Manatiling kalmado, lumayo at agad mag-ulat sa mga awtoridad.

Ito ang ilan sa mga unang dapat gawin ng isang indibidwal sa oras na makakita ng kaduda-dudang bag, kahon o gamit.

Ayon kay Chief Inspector Bryan Gregorio ng Philippine National Police (PNP)-Public Information Office, mahalagang manatiling alerto at huwag mataranta sa mga ganitong klaseng banta.

Imbes na galawin ang kaduda-dudang bagahe, mas makabubuti aniyang lumayo mula dito at kaagad tumawag sa hotline 911 para makapag-ulat sa pulisya.

Paliwanag ni Gregorio, may mga bomba na napapasabog mula sa malayo gamit ng "trigger" pero meron ding mga sumasabog kapag ginagalaw.

Oras na makatawag na sa pulisya, makatutulong din aniya kung sasabihan ang mga tao sa lugar na huwag lalapit sa pinagdududahang bagahe.

Dagdag pa ni Gregorio, wala ring masama kung magdududa sa mga bagaheng natatanggap sa pamamagitan ng courier service, lalo kung hindi mo kilala ang nagpadala nito.

Samantala, oras na makatanggap naman ng bomb threat sa telepono, makabubuti aniyang kumuha ng mas maraming impormasyon bago ito iulat sa pulisya.

Kabilang dito ang kinaroroonan ng bomba, oras ng pagsabog at dahilan ng pambobombang ito -- mga bagay na magagamit sa pagtugis sa salarin.

Ang paalalang ito ng PNP ay makalipas lang ang ilang naganap na pagsabog sa Maynila, partikular sa Quiapo kung saan may naitalang dalawang patay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.