Mga Pilipino, 'kulang' ang kaalaman ukol sa pederalismo

Gillan Ropero, ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 11:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang hamon na tatanggapin ng consultative committee sa charter change ang kakulangan ng kaalaman ng mga Pilipino ukol sa pagbabago ng Konstitusyon at pederalismo.

Ayon kay Atty. Roan Libarios, miyembro ng komite, kumpiyansa sila na mas maraming Pilipino ang makakaintindi ng charter change at pederalismo kapag natapos na nila ang binabalangkas na bagong Konstitusyon.

Balak umano nilang magsagawa ng roadshow sa Hunyo upang ipakita at ipaliwanag sa sambayanan ang bagong Konstitusyon.

"[U]nang-una may sinsabi doon na kulang talaga sa impormasyon ang taong bayan kaya parang challenge sa parte ng ating mga miyembro ng komite na iparating sa taong bayan iyung produkto ba ginagawa namin ngayon," ani Libarios.

"At nakikita naming we’re on the right track kasi kakasimula pa lang namin. And we understand na the moment na matapos namin ang produkto namin at magsimula na kaming magpresent sa taong bayan, magbabago ang Pulse Asia survey."

Ayon sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, 64% ng mga Pilipino ang tutol sa pagsusog ng Konstitusyon, at 23% ang nagsabing pabor sila rito.

Hindi umano ito nakapagtataka, ayon kay Libarios.

"Kasi yung 'cha-cha', disenyo ng gobyerno, medyo malayo sa impact sa tao. Siyempre ang tao ang concerns niya trabaho, pagkain, problema sa edukasyon, krimen," aniya.

"But it does not follow na hindi siya importante. Importante siya, kailangan lang maintindihan ng taong bayan kung bakit siya mahalaga."

Dagdag niya, isusumite ng komite sa Pangulo ang bagong Konstitusyon sa Hulyo matapos ang konsultasyon sa publiko.

"Ang plano ay isa-submit ito sa taong bayan muna, bandang June. Kukunin namin iyung feedback, titignan naming kung ano yung maganda atsaka baka i-amyenda namin ang produkto namin," ani Libarios. 

"Then later on, bandang early part of July, isa-submit namin sa Presidente kasi sabi niya sa amin, itong produkto namin isa-submit niya sa SONA (State of the Nation Address)."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.